“Karapatan, Benepisyo at Tungkulin (KBT 101)”, ito ang tema ng ginanap na forum na layuning magbigay ng updates ukol sa mga bagong batas at regulasyon hinggil sa mga karapatan, benepisyo at tungkulin ng mga Pilipinong naninirahan sa North Italy.
Rome, Setyembre 27, 2016 -“Karapatan, Benepisyo at Tungkulin (KBT 101)“, ito ang tema ng ginanap na forum nitong Setyembre sa Turin. Layunin ng forum ang magbigay ng updates ukol sa mga bagong batas at regulasyon hinggil sa mga karapatan, benepisyo at tungkulin ng mga Pilipinong naninirahan sa Italya partikular sa North Italy.
Pinangunahan ng PCG Milan at POLO-OWWA sa pakikipagtulungan ng Associazione Culturale Filippine (ACFIL) at OFW Watch Italy ang nasabing forum na dinaluhan ng higit sa 90 Ofws na nagmula sa FilCom Cuneo, FilCom Genova, Rosarian Group, IGT o Ilokano Group of Turin, El Shaddai group at Kapampangan Group.
Tinalakay ang mga pangunahing tema tulad ng pensyon, baby bonus, TFR o trattamento di fine rapporto at bagong batas sa pagpapatalsik sa trabaho sa pamamagitan ni Labor consultant Atty. Maria Rosaria Carpentieri.
Ayon kay Consul General Marichu Mauro, ito umano ang kauna-unahang forum na ginanap sa labas ng Milan at ipinangakong ang mga susunod na forum ay gagawin din sa iba’t ibang rehiyon upang higit na maabot ang mga Pilipinong residente doon.
Bukod dito, ay nagbigay rin ng mahahalagang anunsyo ukol sa requirements at proseso sa consular services kung saan nagbigay naman ng mainit na atensyon ang mga dumalo.
Partikular, binigyang-linaw ni Con Gen Mauro na ang authentication ng mga Birth Certificates at Marriage Certificates na requirement sa application ng pasaporte, kasal sa Consulate, reacquisition ng Filipino citizenship at report of birth ay hindi na kakailanganin kung ang dokumentong isusumite ay orihinal, authentic at inisyu ng Philippine Statistics Authority.
Samantala, gender awareness naman ang binigyang-diin ni acting Labor Attache Jocelyn Hapal at ang halaga ng online registration para sa OEC exemption naman ang ipinaliwanag ni Adminstrative Staff Mary Rose Usaraga.
Letter from the Philippine Consulate General in Milan
photo credits: Minda Teves