Naglaan ang pamahalaan ng 100 million euros bilang “bonus gratitudine”. Salvini: “Premyuhan ang mga mayors na tumanggap sa mga ilegal na migrante”
Oktubre 19, 2016 – Sa stability law na inaprubahan noong nakaraang sabado ng gobyerno ay nasasaad rin ang ‘gantimpala’ para sa mga Comune na hindi umatras at tinanggap ang mga refugees na dumagsa sa Italian costs.
“Sa mga mayors na noong October 15 ay maluwag sa kaloobang tinanggap ang mga migrante, ay kikilalanin ang isang kontribusyon kada migrante, bilang pagpapakita ng pasasalamat ng estado sa komunidad na tumanggap: ito ay 500 euros kada migrante sa isang taon”, paliwanag ni premier Mattero Renzi sa paglalarawan sa panukala.
Tinawag itong “bonus gratitudine” ni Interior Minister Angelino Alfano, na nakalaan “sa mga Comune na tumutulong sa hamong ito”. At ipinaalala na naglaan ng 100 million euros para dito.
“Ito ay isang tunay at positibong pagkilala sa Comune na nagsumikap sa pagtanggap sa mga refugees”, ayon sa alkalde ng Prato at kinatawan ng Anci sa imigrasyon, Matteo Biffoni. “Ang mga Comune ay may malaking pangangailangan upang matugunan at mapabuti ang bawat aksyon para sa buong komunidad”.
Samantala, hindi naman nagustuhan ng kalihim ng Lega Nord ang bonus: “100 million euros bilang premyo sa mga alkalde na tumanggapo ng mga ilegal na migrante sa kanilang lungsod, 500 euros kada migrante. Ito ay nakakahiyang regalo buhat kay Renzi sa kanyang mga panukala: ginantimpalaan ang mga mauutak ng kaliwa. Ang mga alkalde ng Lega ay magpapatuloy na tutulan ang pagdating ng mga huwad na refugees sa kanilang mga lungsod, para sa amin ay dapat unahin ang mga Italians”.