Isang regional bonus para sa malalaking pamilya na nakalaan rin para sa mga pamilyang nagtataglay ng permit to stay na balido ng isang taon. Walang requirements tulad ng bonus bebe at Sia.
Oktubre 21, 2016 – Isang sorpresa mula sa Lega Nord.
Simula nitong Oktubre sa Veneto region, ang mga malalaking pamilya ay makakatanggap ng maliit na tulong pinansyal: 125 euros o higit pa kada menor kung may apat na anak o 900 euros sa kaso ng tirplets, kabilang ang anak na dependent na mas bata sa 27 anyos. Ito ay ang bonus famiglia na inaprubahan ng Regione, at sa unang pagkakataon ay walang anumang diskriminasyon.
Kabilang sa mga requirements ay ang pagiging residente sa Veneto at Isee na hindi lalampas sa 25,000 euros. Ang bonus ay bukas para sa lahat, kabilang ang mga imigrante. Bukod sa mga Italians, Europeans at mga refugees ay maaari ring makatanggap nito ang mga mayroong EC long term residence permit o carta di soggiorno pati ang mga mayroong ‘normal’ na permit to stay na balido ng hindi bababa sa isang taon.
Ito ay isang magandang balita. Matatandaang sa Veneto region ay naninirahan ang 11% ng kabuuang bilang ng mga dayuhan sa Italya. At tunay na nakakamangha, dahil ang rehiyon ay pinamumunuan ng Lega Nord at pinangungunahan ni Gov. Luca Zaia na para sa mga social welfare ay karaniwang may anti-immigrant requirement.
Ang pinakamagandang halimbawa nito ay ang bonus bebe, na kinikilala ng Stability law at Inps sa mga imigrante na mayroong carta di soggiorno. At sa anim na pagkakataon ay inireklamo bilang isang diskriminasyon sa hukuman at labag sa Batas ng Europa at hanggang sa kasalukuyan, upang matanggap ang karapatan, ang mga dayuhang magulang ay dapat na lumapit sa abugado at maging sa hukom.
Matatandaang ang Sostegno per l’Inclusione Attiva (o Sia) ay pangunahing requirement din ang carta di soggiorno para matanggap ang ‘carta acquisti per poveri’ at tila para sa gobyerno ay hindi pantay-pantay ang mga mamamayan. Sa kasong ito ay hindi pa humahantong sa hukom bagaman nagsimula na ng isang buwan. Marahil ay naghihintay lamang ng tamang pagkakataon.