Nagbakasyon ako kasama ang aking 14 anyos na anak sa Pilipinas. Regular ako sa aking permit to stay ngunit sa aming paglabas ng bansang Pilipinas ay hinanap sa aking anak ang permesso di soggiorno ai minori di 14 anni.
Lingid sa kaalaman ng nakakarami, bagaman nananatiling dependent o ‘carico’ ng mga magulang, ay mayroong isang uri ng permit to stay na ibinibigay sa mga anak ng imigrante sa pagsapit ng 14 anyos. Ito ay ang tinatawag na ‘permesso di soggirono ai minori di 14 anni’.
Ito ay nasasaad sa artikulo 9, 30 at 31 ng Legislative Decree n. 286/98 at mga susog nito at artikulo 16 at 17 ng DPR 394/99 at mga susog nito.
Bukod dito, matatandaang isang pagbabago ang ipinatutupad ayon sa Batas ng Europa 2015-2016. Ito ay tumutukoy sa personal permit to stay para sa lahat ng mga dayuhang menor de edad.
Ito ang tuluyang magtatanggal sa batas na pinaiiral hanggang sa kasalukuyan kung saan nasasaad na ang mga bata na may edad 14 anyos pababa ay nasa permit to stay lamang ng mga magulang. Unti-unting mawawala ang ‘allegato minori’ at lahat ng menor de edad, mula sa kapanganakan, ay magkakaroon ng sariling permit to stay. Partikular, mula anim na taong gulang pataas ay kailangang magtungo sa Questura para sa finger print.
Samakatwid, ayon sa mga kasalukuyang ipinatutupad na batas na nabanggit sa itaas, ang LAHAT ng mga menor de edad na anak ng mga imigrante ay kailangang magkaroon ng individual permit to stay.
Ang kawalan nito o hindi pagsunod sa hinihingi ng batas ay maaaring maging sanhi ng anumang antala o hadlang, hindi lamang sa muling pagpasok sa bansang Italya ngunit maging sa muling paglabas ng bansang Pilipinas dahil ang mga airline companies ay may obligasyong suriin at siguraduhin na regular ang mga dokumento ng mga papasok at babalik ng bansang Italya.
Gayunpaman, inilathala ng Ministry of Interior kamakailan ang kasagutan sa ilang mga katanungan bilang paglilinaw ukol sa pinakahuling pagbabago o ang pagkakaroon ng individual permit to stay ng mga menor de edad. Narito ang mga ito:
1. Sa kasong ang parehong magulang ay mayroong permit to stay na magkaiba ang expiration date, sa araw ng expiration, ang isang magulang ay kailangang gawin ang request ng individual permit para sa bawat menor de edad na anak na nakatala o kasama sa permit. Sa pagkakataon bang ito ay gagawin din ang aggiornamento o update ng permit to stay ng isa pang magulang upang matanggal sa pagkakatala ang anak na menor sa permit nito?
No, ang ikalawang magulang ay hihintayin ang expiration ng hawak na permit to stay upang gawin ang aggiornamento o update.
2. Sa kasong ang unang magulang ay mayroong permit to stay at ang ikalawang magulang ay mayroong EC long term residence permit o carta di soggiorno. Sa pagkakataong ang unang magulang ay hilingin ang renewal ng dokumento, kahit ang ikalwang magulang ba ay dapat gawin ang ‘aggiornamento’ ng hawak na dokumento upang magkaroon ng carta di soggiorno ang mga anak?
Ipinapayong ang magulang na mayroong carta di soggiorno ay mag-update o gawin ang aggiornamento dahil sya ang may mahusay na kundisyon maging para sa mga anak. Ang magulang na permit to stay ang hawak ay gagawin ang renewal sa expiration ng nabanggit na dokumento.
3. Sa kasong ang parehong magulang ay mayroong carta di soggiorno, ang request ng aggiornamento upang magkaroon ng individual permit t stay ang mga anak na menor de edad ay kailangan bang gawin ng parehong magulang o sapat ng mag-update ang isa sa dalawa?
Sapat na ang mag-update o gawin ang ‘aggiornmaento’ ng isa sa mga magulang para magkaroon ng personal na permit to stay ang anak na menor de edad.
Ang artikulong ito ay inilathala bilang paalala sa mga magulang sa mga ipinatutupad ng kasalukuyang batas. Para sa mas detalyadong impormasyon at katanungan, maaaring lumapit sa Questura na kinasasakupan o anumang patronato.
Basahin rin:
Finger print pati sa mga menor de edad, obligado sa bagong permit to stay
Individual permit to stay sa mga menor de edad, batas na!
Personal na permit to stay ng mga menor, ang paglilinaw buhat sa Ministry of Interiors