in

Grand Rally ng CLAMOR, isang panawagan ng pagbabago at Recall Amabasador Nolasco kay Pres. DU30

Lumahok sa Grand Rally ang mga Presidente ng mga samahan na nagmula pa sa Torino, Milan, Genova, Trieste, Padova, Treviso, Bassano de Grappa, Modena, Cuneo, Bologna, Firenze, Empoli, Napoli at Roma. Nagpadala naman ng mensahe ng pakikiisa ang Vincenza, Parma, Biella, Livorno at Cagliari.

 

Rome – Isang malawakang piket-protesta o Grand Rally ang idinaos ng Convergence of Leaders for the Advancement of Migrants Omnibus Rights CLAMOR sa harapan ng Embahada ng Pilipinas sa Roma noong nakaraang Nobyembre 20, 2016. Matatandaang naghain ng reklamo sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas nitong Setyembre ang coalition para hilingin ang pagpapauwi kay Nolasco. Sumulat din ang grupo sa Malacanang na magpadala ng bagong Ambasador na maka-OFW at may maayos na programa.

Kakaiba sa mga naunang kilos protesta, lumahok sa pagkakataong ito ang mga Presidente ng mga samahan na nagmula pa sa Torino, Milan, Genova, Trieste, Padova, Treviso, Bassano de Grappa, Modena, Cuneo, Bologna, Firenze, Empoli, Napoli at Roma. Nagpadala naman ng mensahe ng pakikiisa ang Vincenza, Parma, Biella, Livorno at Cagliari. 

Naging mainit ang mga talumpati. Umalingawngaw sa buong Italya ang panawagan. Pinasinungalingan ang sinasabi ni Nolasco na iilan lamang ang may ayaw sa kanyang pamumumo. Tumingkad na sa buong Italya ang kawalang programa ng Ambasador. Di rin sumusunod sa kautusan ni Preseidente DU30 na i-streamline ang mga patakaran at proseso at alisin ang mga di makatwirang bayarin.

Bukod sa Recall Nolasco, pinanawagan din ng CLAMOR na ibaba ng 30 euro ang halaga ng Pasaporte at gawing 10 taon ang bisa nito. Hinihiling din ng mga samahan na ibaba ang mga bayarin tulad ng authentication fee, legitimation fee, at iba pang proseso ng dokumentasyon na nagdaragdag ng pinansyal at teknikal na pasanin ng mga OFW. Hiniling din na magsulong ng mga proyektong makakapagpabuti sa kalagayan ng mga Pilipino sa Italya bilang manggagawa at migrante. Lalong higit ang maisulong ang bilateral agreement on Social Pension para sa mga retiring OFWs. 

Nagsanib pwersa ang mga kababaihan mula sa Bologna, Firenze, Empoli at Roma sa pagsayaw para mapabilis ng pagpapauwi kay Nolasco. Hinarana naman ng CLAMOR sa pag-awit ng Bayan ko si NOLASCO upang ipaalala na maging makabayan, maka-OFW at huwag magkapit-tuko sa pwesto.

Bukod sa mga kasaping grupo na ng CLAMOR (44 na organisasyon), todo rin ang suporta ng mga DDS. Dumating ang OFWGME Rome, Bologna, Firenze at Milan, PDP Laban Europe Italy. Kaisa din sa pagkilos ang mga Sektoral at mga rehiyonal na organisasyon tulad ng Federation of Women in Italy, Filipino Womens League, Gabriela Firenze, Samahang Ilokano, Mindoreno at ibat-ibang samahan ng Guardians sa Italya.

Nagbalik-tanaw ang mga lider sa dahilan ng panawagan ng Recall. Ang hindi maayos na paglulunsad ng Eleksyon at mga nawawalang balota, ang lindol sa Norcia at Amatrice, walang kongkretong programa sa larangan ng kultura at sa sektor ng kababaihan, hindi pagtugon sa mga napag-kasunduan sa mga dayalogo at ang kanyang ipinahayag na “pag-aaksaya lamang ng oras ang pakikipag-usap sa mga OFW”.

Sa pagtatapos ng grand rally, nangako ang CLAMOR na hindi sila hihinto hangga’t nananatili si Ambasador Nolasco bilang Ambassador ng Pilipinas sa Italya.

 

ni: Ibarra Banaag 

 

Basahin rin: 

Pauwiin si Ambassador Nolasco sa Pinas! CLAMOR

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

“Hindi makakapasok sa nursery ang walang bakuna” – Zingaretti

Mga dayuhang kabataan, magpa-patrol kasama ng awtoridad sa Milan