Umabot lamang hanggang 40.89% ang SI, habang ang NO ay namayagpag hanggang 59.11%.
Roma, Disyembre 5, 2016 – Umabot lamang hanggang 40.89% ang SI, habang ang NO ay namayagpag hanggang 59.11%. Ito ang pinal at opisyal na resulta ng katatapos lamang na constitutional referendum kahapon, Dec 4 dito sa Italya. Isang mapait na pagkatalo at upang harapin ang resultang ito, naghayag ng pagbibitiw sa kanyang posisyon si Matteo Renzi.
Nanginginig ang tinig na humarap si Renzi ngayong umaga sa isang press conference sa Palazzo Chigi.
“Malinaw at desidido ang naging desisyon ng Italya”, ayon kay Renzi. “Ang reporma ay ating dinaan sa demokratikong paraan ng botohan, marahil ay hindi naging sapat ang aming paliwanag. Malinaw ang aking posisyon simula pa lamang, ako ay magbibitiw ng walang pagsisisi”, ayon pa kay Renzi.
“Ngayong hapon ay titipunin ko ang gabinete at ako ay magtutungo sa Quirinale upang opisyal na ipaabot sa Presidente ng Republika ang aking pagbibitiw. “Ako ay nabigo at ang kapalit nito ay ang iwanan ang aking posisyon. Isang pasasalamat ang ipinaaabot ko sa aking asawa at mga anak”, pagtatapos ni Renzi sa ginanap na press conference.
Paalam Renzi at sa lalong madaling panahon ang mga Italians ay haharap muli sa isang eleksyon.
Samantala, “Ang pinakamabilis, makatotohanan at kongkretong paraan para sa eleksyon ay sa pamamagitan ng isang batas na pinaiiral na: ang Italicum”, ang anunsyo naman ng lider ng M5S na si Beppe Grillo sa kanyang blog.