Isang hindi makakalimutang pagdiriwang para sa VIP Dancers. Bukod sa ginawang Christmas presentation ay nagpakitang gilas din sa Kid’s Got talent kasama ang Learn and have fun with music.
Milan, Disyembre 19, 2016 – Ginanap ang isang malaking Christmas show ng VIP Dance Concert III “Christmas – can’t stop the feelings” noong nakaraang Sabado, Dec 10 sa Teatro Asteria ng Milan. Ito ay ang pagdiriwang ng ikatlong taong aktibidad ng VIP Dance school na pinamumunuan ni Expedito Evangelio Dimaano, mas kilala sa tawag na XP, na marahil ay ang pinakamalaking Pinoy dance school ng mga kabataan sa Italya, na mayroong higit sa 80 kabataan.
Sa mahabang show ay itinanghal ang husay ng mga kabataang sumayaw sa iba’t ibang modern choreography pati na rin ng Filipino music suot ang mga traditional costumes ng ating bansa. Ang show ay tumagal ng higit sa limang oras at nagtapos sa pagpaparangal sa mga best students, promising students at mga kabataang higit na nagsumikap sa taong 2016.
Maituturing na isang malaking tagumpay at makabagbag damdamin ang naging pasasalamat ni Maestro XP sa kanyang mga mag-aaral at magulang sa pagtatapos ng konsyerto, kasabay ang pangakong hindi hihinto sa pagtuturo ng sayaw sa pamamagitan na rin ng biyayang ipinagkaloob sa kanya: ang pasensya. Katangiang sanhi ng higit na biyaya, at bilang patunay ay ang pagkakaroon ng mga bagong enrollees sa pagpasok ng taong 2017 na bubuo sa 90 mag-aaral ng kanyang dance school.
Panauhin din sa nasabing show din ang mga mag-aaral ng “Learn and have fun with music”, ang school of music nina Laarni De Silva at Alfonso Casciello. Itinanghal sa anniversary Christmas show ang Gosphel Choir at ang ilang mag-aaral ng school of music ay kasama rin sa mga production number ni XP.
Matatandaang ang VIP Dancers at Learn and have fun with music ay nagkaroon ng isang partnership na sinimulan noong nakaraang Agosto sa pagbibigay nina Laarni at XP ng summer workshop sa mga kabataang Pilipino.
Dahil sa nabanggit na partnership ay nabuo ang grupong “One Big family” na sa katunayan, noong nakaraang Dec 11, araw ng Linggo ay napanood na nagpakitang gilas sa Kid’s Got Talent ni Claudio Bisio sa Sky TV.
ulat at larawan ni: Stefano Romano
isinalin sa tagalog ni: PGA