in

Atty. Paul Sombilla, ang unang-unang Abugadong Pilipino sa Italya

Atty. Paul Francis Sombilla, 32 anyos, ang unang-unang abugadong Pilipino sa higit na 30 taong kasaysayang ng mga Pilipino sa Italya. “Walang mahirap sa taong nagsusumikap”. Narito ang kanyang pagsusumikap upang maabot ang pangarap. 

 

Walang abugado sa aming pamilya at hindi ko paborito ang Law subject. Naging kasabihan na ang pagiging abugado ay tila pamana ng lahi ngunit ito ay aking ginawa upang matupad ang minsang pinangarap ng aking ina, pagkatapos ng kanyang sakripisyo para sa aming pamilya. Ito ay aking munting paraan ng pasasalamat sa aking mga magulang sa kanilang malaking sakripisyo noon pa man: ang lisanin ang Pilipinas upang kumita ng mas malaki at magkaroon kami ng magandang kinabukasan kapalit ang kanilang propesyon at ang hindi sila makapiling ng maraming taon.  Ito ang naging hamon para sa akin na aking buong pusong tinanggap sa simula pa lamang” 

Taong 1987, 3 taong gulang si Paul at ang kanyang nakababatang kapatid, si Rogielyn Grace ay 3-4 na buwan pa lamang ng sila ay lisanin ng kanyang mga magulang, sina Rogie at Erlinda, tubong San Pablo Laguna,  upang magtungo sa Turin, Italy.

Kami po ay naiwan kay Mommy Nida, ang bunsong kapatid ng aking Ina na syang nag-alaga sa aming magkapatid”, ayon kay Paul.   

Taong 1998 ng magbakasyon sa Pilipinas si Erlinda, ang Ina ni Paul para matunghayan ang kanyang pagtatapos ng elementarya sa Maquiling School Inc. – U.P. Los Banos, Laguna. Kasabay nito ang pag-aayos ng kanilang papeles patungong Italya. 

Ako ay 12 taong gulang ng dumating sa Italya at ang unang 6 na buwan sa aking pagpasok sa Scuola Media ay tunay na naging mahirap. Dalawa lamang kaming Pinoy sa Scuola Media Manzoni ng Turin. Tanging ciao, buon giorno, buona sera at come stai ang aking alam sabihin”. 

Tulad ng maraming menor de edad na dumating Italya, hinarap ni Paul ang matinding language barrier sa kanyang pag-aaral mula sa unang araw ng pagtuntuong sa paaralan sa Turin. Bukod pa sa magkaibang sistema ng edukasyon ng dalawang bansa. Partikular, hindi malilimutan ni Paul ang pagkakaroon ng maraming ‘compiti’ tuwing weekends lalo na tuwing mayroong bakasyon. 

Ayon kay Paul hindi sapat ang pagsumikap ng kanyang mga magulang upang sila ay matulungan sa paggawa ng assignments. 

Sa katunayan, hindi ko malilimutan ang aking frustration at desperation sa unang anim na buwan sa Prima Media. Matapos ang buong araw ko sa klase ay wala akong naintidihan! Sa English period lang ako nagkakaroon ng pagkakataong magkaroon ng conversation sa aking guro at mga kaklase.” 

Ngunit salamat sa “programma di dopo scuola per studenti stranieri” ay nagkaroon ng intense italian language course araw-araw si Paul. Sa tulong nito ay nagsimulang matuto ng wikang italian. Simulang nagkaroon ng tiwalang makipag-usap sa mga kaklase, magsulat ng essays sa wikang italiano at nagsimula na rin ang kanyang partesipasyon sa class discussion. 

Sa pagtatapos ng unang taon sa Media, dahil na rin sa kanyang pagtulong sa sarili, matinding pagsusumikap at malaking improvement, ay natunghayan ng kanyang Italian professor, class coordinator at School principal ang kanyang husay sa pag-aaral. Laking gulat ni Paul dahil siya ay accelerated sa Terza Media at hindi na kinailangang dumaan pa ng Seconda Media. 

Naniwala ako, sa unang pagkakataon sa aking buhay, na ang bawat sakripisyo at pagsusumikap ay palaging sinusuklian. Ang lahat ng hirap at pakikibaka ko sa bagong mundo ay isang paraan lamang upang gawing isang mas mabuti at maayos ang aking katayuan”, kwento pa ni Atty.  

Sa katunayan, hanggang sa kasalukuyan, karamihan ng aking mga professors ay patuloy akong nakikilala at natatandaan dahil sa aking mga  naging magandang karanasan kasama sila”, dagdag pa nito. 

Matapos ang Scuola Media, nagpatuloy sa pag-aaral at kumuha ng Liceo delle Scienze Sociali at Liceo Statale Regina Margherita di Torino. Muli, hindi naging madali ang kanyang pinagdaanan. Higit na paghahanda at pagsusunog ng kilay sa mga test at oral exams upang magkaroon ng magandang marka at grado sa ‘pagella’. Ito ay habang patuloy ang kanyang pag-aaral ng wikang italyano upang maabot o malampasan pa ang tamang antas nito dahil sa panahong iyon ay dalawang taon pa lamang na sya ay pumapasok sa italian school. 

Ang Law at Economics subject ay hindi ang aking mga paboritong subjects sa High School ngunit nagsimula akong magustuhan ang Philisophy, History at Italian Literature”. 

Sa huling taon ng Liceo, noong 2006 ay nagpasyang mag-trabaho sa Turin Olympic Games at nagsimulang hatiin ang panahon sa pag-aaral at pagta-trabaho. “At aking napagtanto na maaaring magkasabay mag-aral at kumita para sa sariling pangangailangan”. 

Ang ‘Esame di Stato or Esame di Maturità’ ay isang hindi malilimutang karanasan ni Atty. Paul – “ Ang bawat mag-aaral ay kailangang sumailalim sa 3 araw na written exam at final oral exam sa pamamagitan ng isang mini thesis at sasagutin ang mga katanungan para sa bawat subject sa haparan ng lahat ng professors sa pagtatapos sa ika-limang taon. Ako ay nagtapos na mayroong mataas na grado”. 

Ngunit pagkatapos ng Liceo ay kailangang mag-desisyon kung anong ‘facoltà’ ang kukunin sa Kolehiyo. Summer 2006, kasama ang kasintahang si Antonia ay hindi naging madali ang desisyong ito para sa kanilang kinabukasan. 

Una, nais kong maging isang nurse dahil ang aking Ina ay isang Midwife sa Pilipinas, habang ang aking ama ay isang pulis. Tanda ko pa ang kwento ng aking Ina na kanyang pangarap na maging isang Abugado sa Pilipinas, ngunit dahil sa malaking halaga ang kakailanganin at sa kakulangan ng mapagkukunang pinansyal ito ay nanatiling isang pangarap lamang”. 

“Ito ay nangangahulugan na walang abugado sa aming pamilya. At tulad ng aking nabanggit, hindi ko paborito ang Law subject at may pagkakataong naging mahirap ito para sa akin. Naging kasabihan na ang pagiging abugado ay tila pamana ng lahi ngunit ito ay aking ginawa upang matupad ang minsang pinangarap ng aking ina, pagkatapos ng kanyang sakripisyo para sa aming pamilya. Ito ay aking munting paraan ng pasasalamat sa aking mga magulang sa kanilang malaking sakripisyo noon pa man: ang lisanin ang Pilipinas upang kumita ng mas malaki at magkaroon kami ng magandang kinabukasan kapalit ang kanilang propesyon at ang hindi sila makapiling ng maraming taon.  Ito ang naging hamon para sa akin na aking buong pusong tinanggap sa simula pa lamang”.

Si Paul ay pumasok sa Università degli Studi di Torino, Facoltà di Giurisprudenza, Corso di Laurea Magistrale a Ciclo Unico (5 anni) – Giurisprudenza – “Ito marahil ang pinakamahaba at pinakamahirap na kurso upang maging ganap na abugado. Bagay na hindi ko naisip na magbabago sa aking buhay, salamat sa aking pamilya at kasintahan na naging malaking inspirasyon sa aking pag-aaral”. 

Ang pagkuha ng kursong Giurisprudenza ay hindi madali. Upang maipasa ang higit sa 40 exams (maliban sa final thesis) ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng mataas na marka at samakatwid ay ang pag-aaral ng 7 araw sa isang linggo, walang holidays sa loob ng limang taon. Ngunit naging desidido si Paul na gawin ito at walang dudang nag-aaral ng halos 12 oras araw araw sa ‘sala studio’, lugar kung saan ang mga College students ay may pagkakataong mag-aral at hindi sa bahay dahil sa madaling destructions maidudulot dito. 

Rain or shine, summer or winter, ay maghapong nag-aaral sa sala studio kasabay ang pananabik na maging isang dalubhasang abugado balang araw. 

Bukod sa pagiging mahirap na kurso ay may kamahalan din ito: mamahalin ang mga libro, tuition fees, tranposrtation, school supplies at iba pang gastusin. 

Bago ko man simulan ang bagong yugtong ito ng aking buhay, ay ninais kong hindi ilagay sa balikat ng aking mga magulang ang bigat ng gastusin ito. Ako ay nagsimula sa aking part time job sa isang perfume warehouse upang kitain sa sariling sikap ang pambili ng aking mga libro na aking kakailanganin”. 

Kinailangang ipasa taun –taon ni Paul ang itinakdang bilang ng exams upang manatiling mataas ang mga marka sa ‘libretto universitario’ at matugunan ang mga requirements ng ‘borsa di studio’ o scholarship mula sa  Ente per il Diritto agli Studi Universitari – EDISU Piemonte. Ang scholarship ang nagbabayad ng yearly tuition fees, nagbibigay ng karagdagang panggastos sa  pag-aaral at nagbibigay ng libreng lunch at dinner sa university. 

Maipagmamalaki ko na sa loob ng limang taon, napanatili ko ang aking scholarship at hindi kinailangan ng aking mga magulang ang gumastos para sa aking pag-aaral”. 

Ito ay nagbigay ng higit na inspirasyon laban sa mahihigpit na mga professors at mabibigat na exams. 

Ngunit hindi naging madali ang lahat, sa katunayan, mayroong dalawang subjects din ang hindi niya naipasa at labis ang kanyang pagsisisi  ngunit ang pagkakadapang ito ay hindi sapat upang hadlangan ang kanyang pangarap. 

Dahilan ng higit na pagsusumikap at maabot ang pangarap na pagtatapos at tawaging Dottore in Giurisprudenza noong Oktubre 2012 at “Mandato d’arresto europeo e arresto di polizia – European Warrant of Arrest and arrest by police” ang kanyang thesis. Si Paul ay isa sa limang nagkapag-tapos na Law student sa pagbubukas ng bagong building ng Facoltà di Giurisprudenza. 

Samantala, October 5, 2016 naman ng pumasa si Atty. Paul sa Bar Exam at makalipas ang dalawang taong practicum sa Studio Legale Ambrosio & Commodo Law Firm, ay isa ng ganap na associate lawyer sa kumpanyang ito kung saan kasalukuyang naglilinkod at tumutulong sa ating mga kababayang Pilipino.

At ang pagiging unang abugadong Pilipino sa higit sa 30 taong kasaysayang ng mga Pilipino sa Italya ay ang kanyang titolong hawak sa kasalukuyan at inaasahang magiging inspirasyon sa ating mga kabataang ng Ikalawang henerasyon sa Italya. 

 

 

ulat ni: PGA

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

PBA LEGENDS in ITALY, sa ika-apat na pagkakataon!

Ika-8 taon ng OFW Month Celebration at Paskong-Pinoy: masaya at makulay na idinaos sa Firenze