in

Tanda mo pa ba ang tradisyong Pinoy tuwing Bagong Taon?

Kahit sa simpleng paraan ay idinadaos at sinasalubong ng mga Pilipino ang bagong taon kasabay ng mga partikular na paghahanda batay sa mga ipinamanang paniniwala bago mag-alas dose ng gabi o medya noche at sa pagsapit ng Bagong Taon. Tanda mo pa ba ang mga ito?

 

Ang pagdating ng Bagong Taon ay taunang sinasalubong sa bawat sulok ng mundo. 

Bukod sa araw ng Pasko, ang araw na ito para sa mga Pilipino ay itinuturing na isa sa pinakatanyag na pagdiriwang ng taon. Ito ay pananaw sa isang panibago at sariwang simula.  

Sa katunayan kahit sa simpleng paraan ay idinadaos ito ng mga Pilipino at sinasalubong kasama ang mga partikular na paghahanda batay sa mga ipinamanang paniniwala bago mag-alas dose ng gabi o medya noche at sa pagsapit ng Bagong Taon. Tanda mo pa ba ang mga ito? Narito ang ilan. 

Bago mag-medya noche

  • Pinaniniwalaan ng mga Pilipino na upang maging masagana ang pagpasok ng bagong taon at maging maluwag ang pagpasok ng pera sa isang buong taon ay dapat na maglagay ng salapi o pera sa loob ng bulsa.
  • Upang makapanghikayat ng pagpasok ng salapi, magsuot ng damit na polka dots o damit na may bilog-bilog na disenyo
  • Upang higit na maging masagana ang takbo ng buhay sa loob ng isang taon, magtabi ng bigas, asin at asukal.
  • Pagluluto ng pansit na sumisimbolo ng isang mahabang buhay
  • Paghahanda ng labindalawang bilog na prutas sa hapag-kainan gaya ng cantaloupe, ubas, peach, orange, plum, promenade, pakwan, lemon, pear, apple, chico, at avocado
  • Inirerekomenda para sa medya noche ang paghahanda ng mainit na tsokolate, hiniwa-hiwang tinapay, spaghetti, hotdog, keso, pork o chicken barbecue, pansit, lumpiang shanghai, menudo, at afritada.

Pagsapit ng Bagong Taon

  • Sa ganap na alas-dose ng hatinggabi, binubuksan lahat ang mga pinto, bintana, at mga ilaw upang pumasok ang swerte sa loob ng bahay
  • Upang madagdagan ang pagtaas o mas maging matangkad, tumalon nang paulit-ulit
  • Lumilikha ng ingay upang mapaalis ang malas- kalampagin ang mga kaldero at kawali, magpatugtog nang malakas, sabayan ng tawanan at sigawan
  • Magpailaw ng mga lusis, kwitis, ngunit mag-ingat sa mga paputok upang makaiwas sa disgrasya
  • Salu-salong kumain ng medya noche at pagsaluhan ang biyaya ng Panginoon na may kasamang pasasalamat at paghingi ng patawad.

At sa unang araw ng Enero, para sa pamilyang Pinoy ay kasama ang pamilya sa pamamasyal, pagkain nang magkakasalo at pagkakaroon ng “family bonding”. Ito ang panahon nang pagsasama-sama ng bawat miyembro ng pamilyang Pinoy at mga malalapit na kaibigan. 

Ito ang dahilan kung bakit ang mga manggagawang Pilipino na nasa ibang bansa ay tunay na nalulungkot dahil hindi nararanasan ang pagsalubong ng bagong taon sa sariling bansa kasama ang mga mahal sa buhay. At siyempre, tunay na iba pa rin ang matikman ang tradisyon ng mga Pinoy pagdating sa kinagigiliwang pagsalubong sa pagpasok ng bagong taon sa sariling bansa. Ito ay isang tradisyong pinaka-kakaiba sa lahat sapagkat ang espiritu ng tunay na pag-ibig at pagbibigayan ay sa mga pamilyang Pilipino lamang mararanasan.

Isang masagana, mapayapa, at napakamasayang bagong taon sa lahat!

 

PGA

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Kailangan ba ng New Year’s Resolution?

Rizal day, ginunita sa Roma