Sa halip na pagsusulit ay magkakaroon ng pagtuturo tungkol sa kulturang Pilipino sa pakikipagtulungan ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) at ito ay gaganapin sa Sentro Rizal sa loob ng Konsulado.
Milano, Enero 2, 2017 – Kinumpirma ni Philippine Consulate General-Milan Marichu Mauro ang pagtanggal ng “pagsusulit” sa mga aplikante ng Pagpapanumbalik ng Pagkamamamayan o ang Re-acquisition ng Filipino citizenship na ipinatupad ng PCG-Milan na nasasaad sa RA9225 o Citizenship Retention and Re-acquisition Act of 2003
Sa pamamagitan ng isang liham noong Disyembre 12, 2016 ay ipinaabot ni Philippine Consulate General-Milan Marichu Mauro sa organisasyon ng OFW WATCH ITALY ang pagtanggal ng nabanggit na “pagsusulit”.
Ayon sa liham, sa halip na pagsusulit ay magkakaroon na lamang ng maiksing pagtuturo tungkol sa kulturang Pilipino: mga sayaw, awit, letra at leksyong tungkol sa mga salita sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Konsolado sa National Commission on Culture and the Arts (NCCA) at ito ay gaganapin sa Sentro Rizal sa loob ng Konsulado.
“Ang magandang balitang ito ay isang malaking handog sa bagong taon sa ating mga kapwa OFWS”, saad ni Rhoderick Ople, Pambansang Tagapangulo ng OFW Watch Italy. Matatandaang iminungkahi ng nasabing organisasyon kay ConGen Mauro ang pagtanggal ng pagsusulit matapos ipaabot ng Filipino Leaders Club sa pamumno ni G. Rene Legazpi sa OFW Watch Italy ang kanilang pagtutol sa nasabing “pagsusulit”. Nagawa na rin nilang makakalap ng mahigit 200 pirma at sumulat na rin sa PCG Milan.Kagyat na naglunsad ng konsultasyon ang Pambansang Konseho ng alyansa at nagbalangkas ng mungkahi at puna sa ipinatutupad na patakaran.
“Ang OFW Watch Italy ay mananatiling mapagmatyag bilang alyansa at palagiang nakapanig sa interes ng nakararami upang higit na mapaglingkuran ang sektor ng mga OFW sa Italya”, pagtatapos ni Ople.
ni: Nonieta Adena
Secretary General – OFW Watch Italy