in

PEACE FORUM sa Milan, Idinaos ng PCG-MILAN, Katuwang ang OFW WATCH-Italy

“Without PEACE, we cannot have PROGRESS in our country .” – Labor Sec. Silvestre Bello III . Ito ang buod ng nilalaman ng Peace Forum na naganap sa Milan noong ika-22 ng Enero , 2017. 

 

Milan, Enero 25, 2017 – Matagumpay na naidaos ang PEACE FORUM sa Milan, na ginanap sa San Ambrosiano na dinaluhan ng mahigit na 300 lider at miyembro ng mga pederasyon at asosasyon sa Milan at Northern Italy, sa magkatuwang na pagsisikap ng PCG MILAN sa pamumuno ni Consul General Marichu Mauro at OWWA Welfare Officer Jocelyn Hapal at sa bahagi naman ng OFW WATCH Italy, sa pamumuno ni Rhoderick Ople nagpahayag ng kanyang pagbati mula sa video dahil kasalukuyang nasa Pilipinas  at sa koordinasyon ng OFW Global Movement President Ed Turingan at Ofw Watch Secretary General Nonieta Adena.

Ang mga natatanging tagapagsalita at mga panauhin sa panig ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) ay pinangunahan ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, kasama sina Mayor Ed Pamintuan, DOLE-ILAB Director Jesus Cruz, at Atty. Angela Trinidad, mga miyembro at consultants sa GRP Peace Panel. Nakaharap din sina Consul-General Marichu Mauro, OWWA-Milan Welfare Officer Jocelyn Hapal, POLO-Rome Labor Attache Ponciano Ligutom, Milan Consul Conrado Demdem, Jr. at Juancho Aquino, Ofw Watch Italy Co-founder and National Council member.

Sa pagsasalita ni Sec. Bello, pinapurihan niya ang pamumuno ni Consul General Mauro sa Milan at Northern Italy , sa kauna-unahang pagkakataon na may nakadalaw na Kalihim ng Paggawa sa Italya, pati na ang presensiya ng mga asosasyon ng mga komunidad ng Pilipino  na nanggaling pa sa iba’t ibang siyudad. 

Binuksan ang malayang talakayan para sa mga katanungan ng mga nagsidalo. Sinagot ito nila Sec. Bello at ng mga kasama niya sa panel. Binanggit nila ang mga proyektong nakalaan sa mga Ofw’s na ang ilan ay kasalukuyan nang ipinapatupad gaya ng one -stop shop for Ofw’s para sa pagsasaayos ng mga dokumento at iba pang pangangailangan sa mga ahensiya ng pamahalaan, at ang pagpopokus sa mga kalagayan ng mga manggagawa sa kinaroroonang bansa. Susuportahan din nila ang kahilingan na magtalaga na ng Labor Attache sa Milan, ang pagkakaroon ng OFW bank kung saan ay puedeng makabili ng shares at mayroon ding mababang singil ng remittance fee, ang pagrerekomenda ng mga resolusyon at amyenda hinggil sa OWWA Membership, at mapag-aralan din ang inihaing panawagang-Recall sa Ambasador. Bibigyang -pansin din ang lumalaganap na problema sa droga, ang pagkilala sa propesyon ng mga migrante at pati na rin ang mataas na singil sa mga bayarin sa dokumento. Nabanggit din ang posibilidad na makabisita sa Italya si Pangulong Rodrigo Duterte sa buwan ng Abril at mapag-usapan ang ukol sa Bilateral Agreement ng Pilipinas at Italya sa kalagayan ng mga migranteng Pilipino dito.

Ang mga ito at iba pang mga resolusyon at kahilingan ay nakapaloob na rin sa ginawang Migrant’s Agenda at Position Paper on the Proposed IRR of the OWWA Act -RA 10801 ng OFW WATCH, na iniabot ng mga opisyal nito  kay Sec. Bello matapos ang forum , kaya makakaasa ang lahat na mabibigyang-pansin ang mga ito sa pagbabalik nila sa Pilipinas.

 Hinggil naman sa Peace Talks, inilahad nila na sa ikatlong yugto nito, pag-uusapan ang pinakamahalagang bahagi, ang ukol sa Social and Economic Reforms. Gaya nga ng nabanggit na, walang pag-asenso na maisusulong kung laging may rebelyon, pag-aaway sa pagitan ng gobyerno at mga rebelde at hindi nasosolusyunan ang pang-ekonomikong sitwasyon ng mga Pilipino, pati na rin ang inhustisya. Magkaroon din ng kasunduan hinggil sa reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, karapatan sa paggawa at proteksiyon sa kapaligiran. Ang mga detalye nito ay nakapaloob sa CASER o Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms. Bibigyang-halaga din ang kalagayan ng Moro at indigenous people. Sisikapin din ng GRP at NDFP na magkaroon ng Bilateral Ceasefire Agreement.

Matapos ang open forum, binigyan ng pagkakataon ang lahat na makapagpakuha ng litrato kasama ang GRP Peace Panel. Nagpasalamat ang PCG Milan sa presensiya ng mga panauhin at sa entusiasmo ng mga nagsidalo at sa kooperasyon ng OFW Watch at ng lahat ng organisasyon.

Sa nagaganap na PEACE TALKS  sa Roma, Italya mula noong ika-19 hanggang ika-25 ng Enero, na nakatuon sa SOCIAL and ECONOMIC REFORMS, ang mga OFW’s  na malaking bahagi ng hanay ng mga manggagawa ay nakikiisa, sumusuporta at nakikibahagi para sa ikatatagumpay nito….para na rin sa kanilang pagbabalik sa sariling bayan.

ni: Dittz Centeno De Jesus 

OFW WATCH NEWS AND STORIES

 

larawan nina: 

Gene De Jesus, Bologna 

Carlos Hipolito 

  

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Secretary Yasay, binisita ang mga Pilipino sa Italya

Secretary Bello, nakipagkita sa DDS Italia