Hindi dapat sumuko sa laban ng buhay…..
Ang bago kong mundo na ginagalawan,
Ay dati kong mundo ngayo’y binabalikan,
Mga pangyayari na pinagdaanan,
At saradong aklat ng buhay kong hiram.
Sa bakas ng aking gintong ala-ala,
Ay pinaikot ko ang bilog na bola,
Sa iningatan kong bunton na baraha,
Lakas loob akong humugot ng isa.
Sa mga palad ko ay aking nilaro,
Lugas na pag-asa’y muli kong binuo,
Aking pinaghugpong ang dulo at puno,
Gumuhong bantayog muling itatayo.
Madilim na landas na aking tinahak,
Ang tanging tanglaw ko’y luhang nagliliyab,
Nagbabagang pawis naipon sa palad,
Gagawin kong bagwis sa aking paglipad.
Ako ay sasabay, sa bugso ng hangin,
At aking susundan, kislap ng bituin,
Ang bilog na buwan, aking aabutin,
Sa tulong ng mga talang nagniningning.
Aking lalakbayin ang buong paligid,
Kahit liparin ko, ang buong daigdig,
Ang uhaw mong puso na kulang sa dilig,
Sa mga haplos ko, ay muling pipintig.
Di ako susuko, sa laban ng buhay,
Kahit libong beses, na ako’y mamatay,
Mga bahagharing, nawalan ng kulay,
Muling magliliyab sa langit na bughaw.
Sa laban ng buhay, di dapat sumuko,
Di dapat bumigay, luha ma’y tumulo
Kahit sampung beses, mundo mo’y gumuho,
Sa kamay ng Diyos, muli kang tatayo
ni: Letty M Manalo