Narito ang tatlong pangunahing layunin ng North Italy AGAD.
Milan, Pebrero 20, 2017 – Ang North Italy Action Group Against Drugs o AGAD sa ikalawang pagkakataon ay muling nagtipon-tipon matapos ang launching nito noong January 2017 upang ipasakamay na ng konsulado sa mga concerned leaders at members ng Filcom sa Milan at North of Italy ang pamamalakad ng nasabing bagong tatag na grupo.
Sa pamamagitan ni Philippine Consulate General in Milan, Consul Conrado Demdem, ay hinati ang grupo sa tatlong clusters at ipinaliwanag niya ang mga layunin nito:
– una, ang Prevention Programs and Projects, o ang paghikayat sa mga kabataan na maging involve sa sports at iba pang mga educational and recreational activities;
– pangalawa, ang Information Campaign and Advocacy, o ang pagsasagawa ng mga seminars at pag-imbita ng mga resource personalities na eksperto sa pagbibigay ng mga impormasyon ukol sa masasamang epekto ng ipinagbabawal na droga partikular na ang methampethamine hydrochloride o mas kilalang “shabu”, bukod dito ay ang paggawa ng mga short documentary video clips tungkol sa mga naging masamang karanasan ng mga nagbalik loob na dating drug users at pushers:
– pangatlo ay ang Treatment / Rehabilitation and Recovery, o ang pagkumbinsi sa mga nagtutulak ng droga na sumuko na sa mga kinauukulan, at bigyan sila ng pagkakataon upang bumalik sa kanilang mga pamilya sakaling madeport ang isang nagbagong drug user o pusher.
Binigyan ng bawat grupo ng mahigit 45 minuto upang pag-usapan ang mga unang hakbang nito kaugnay sa kampanya laban sa droga sa Milan na kahalintulad ng din ng kampanya ng kasalukuyang administrasyon Duterte.
“Gagawa kayo ng action plan, na aakuhin niyo, na kayo ang gagawa mismo, pero puwede kami (consulato) sumuporta sa ibang bagay, kung hindi man financial, pwede din namin i-advertise ang inyong initiative”, paliwanang ni Demdem sa Filcom.
Kasabay nito ay ang paalala ni Demdem sa Filcom na hindi pakikialaman ng konsulado ang anumang imbestigasyon ng mga Italian authorities.
Ang tanging maibibigay lamang umano ng konsulado sa mga awtoridad ay mga personal circumstances ng mga nahuling drug users at pushers, at ang pagbisita sa mga ito kung saan sila nakakulong upang masiguro na maayos ang kanilang situwasyon sa loob.
Sinabi rin ng Consul na kahit pansamantalang suspendido ang “war against drugs” sa Pilipinas, dito sa Milan ay tuloy-tuloy pa rin ang kampanya laban sa illegal na droga.
“Para mainstitutionalize ang atin efforts, ginawa natin ito. In fact tayo ang kaunaunahang foreign service post, (Milan) ang gagawa nito sa buong mundo”, paalala pa ng Consul.
Sa darating pang mga araw ay muling magpupulong ang mga kababayan natin na kasapi sa AGAD upang ipresenta ang kani-kanilang final action plans ng sa ganun ay aktuwal na itong isasagawa at agarang masagip ang mga kabataan na lulong sa droga at gabayan sila sa tamang landas.
ni Chet de Castro Valencia
larawan ni Jesica Bautista