Mula 2015, umabot na sa higit 200 ang request mula sa mga Italians na nagpupunta sa Switzerland para sa euthanasia.
Pebrero 28, 2017 – Umabot na sa 232 ang mga Italians na mula 2015 ay lumapit sa Luca Coscioni association para sa mga impormasyon ukol sa euthanasia. Sa bilang na nabanggit, 115 ang lumapit sa isang klinika sa Switzerland ngunit ilan sa mga ito ay umatras. Ito ay ayon sa ulat ng mediaset kamakailan.
Gayunpaman, ang bilang ay patuloy sa pagtaas ayon kay Emilio Coveri ng Exit-Italia Association. Sa katunayan, aniya, may average na 50 Italians kada taon ang humihingi at nakakatanggap ng assisted suicide sa Switzerland.
Ang proseso, ayon pa sa report, ay may protocol ayon sa batas ng Switzerland para sa “Euthanasia” kung saan ang isang pasyente ay boluntrayong winawakasan ang anumang paghihirap sa karamdaman at samakatwid ay winawakasan ang kanyang buhay.
Matapos ang pormal na request ng pasyente sa klinika, ay magkakaroon ng tila interview sa pagitan ng duktor at pasyente. Ayon sa batas, ang doktor ay kailangang sikaping pigilan ang pasyente na tapusin ang kanyang buhay at samakatwid ay ulit-uliting tatanungin ang pasyente sa tunay na nais. At pinahihintulutang bumalik sa tahanan ang sinumang magpapalit ang desisyon.
Sa kasong nais magpatuloy ng pasyente, ay magkakaroon muli ng isa pang interview kung saan muling tatanungin ang pasyente sa nais na assisted voluntary death.
Sa pahintulot na pagkitil sa sariling buhay, “inihahanda ang letal dosage ng Pentobarbital, matapos painumin muna ng anti vomit medicine. Ito ay nagpapahintulot na ma-absorb mabuti ang dosage”.
Muli, ay hihimuking umatras ng duktor ang pasyente bago tuluyang ilagay ang dosage sa isang basong tubig. Sa bahaging ito, dagdag pa sa ulot, ay mahalaga na ang pasyente ay nasa katinuan ng pag-iisip, may kakayahang kunin ang baso at inumin ang dosage. Gayunpaman, may ibang pamamaraan sa ibang kaso tulad ng paggamit ng Percutaneous endoscopic gastrostomy o PEG.
Makakatulog ng malalim ang pasyente hanggang sa wala na itong mararamdaman at magkaroon ng cardiac arrest. Sa loob ng humigit kumulang na 10 minuto hanggang 15 minuto ay makakamtan ng pasyente ang nais.