in

Mga Pinoy, nakiisa sa ika-31 edisyon ng Carnevale Cisternese

Ang pakikiisa ng Filipino Community of Cisterna Latina (FCC) at ng Divine World Ensemble (DWE) ay maituturing na isa sa mga nagbigay kulay at buhay sa okasyon.

 

Cisterna, Marso 7, 2017 – Naging masaya at matagumpay ang pagdiriwang ng taunang fiesta ng Carnevale sa bayan ng Cisterna, probinsya ng Latina noong nakaraang Feb 26, 2017. Muli na namang ipinamalas ng mga Pilipino ang kanilang pagkakaisa upang maibahagi ang mga tradisyon at kultura na ating kinagisnan.

Ang pakikiisa ng Filipino Community of Cisterna Latina (FCC) sa tema ng Ati-Atihan festival at ng Divine World Ensemble (DWE) sa kanilang temang ‘Viva i Contadini’ ay maituturing na isa sa mga nagbigay kulay at buhay sa naturang okasyon. Kapansin-pansin ang makulay na kasuotan ng mga batang ati-atihan at ang knailang pagsayaw sa saliw ng musika. Binigyang buhay din ang ating kaugalian ng pagbabayanihan kung saan ay makikitang buhat ng mga kalalakihan ang isang bahay kubo kasama ang mga taong nayon.

Nagsimula ang parada dakong 3:30 ng hapon sa pangunguna ng “Banda Musicale Città di Cisterna” mula sa Largo Risorgimento patungong Piazza XIX Marzo sa sentro ng Cisterna kung saan  ay may inihandog na mga palabas tulad ng puppet show, mga sayaw at awit para sa mga bata. Ayon kay Sindaco Eleonora della Penna, siya ay nalulugod at nagpapasalamat sa lahat ng bumubuo ng pagdiriwang na ito.

Mula sa pamumunuan ng Pro Loco na si Andrea La Ricci, Delegato alla Cultura e Spettacolo Pier Luigi Di Cori at Delegata alla Politiche dell’Integrazione Fabiola Ferraiuolo ay naisakatuparan ng maayos ang ika-31 edisyon ng Carnevale Cisternese. Salamat rin sa pakikipagtulungan ng mga ahente ng Polizia Locale di Cisterna, Protezione Civile at Croce Rossa Italiana at maging ang mga grupo tulad ng Akki Pikki, la Fabbrica dei Sogni, Altri Colori (Centro Minori La Tartaruga),Eesso Chissi de Cisterna, Comitato Centro Storico, Scuola Paritaria “Maria de Mattias” at L’Altro Clown.

Ayon sa presidente ng Filipino Community na si Arthur C. Villa, “mahalaga na maibahagi at maipamulat natin sa mga kabataan lalo na sa mga batang ipinanganak na dito sa Italya ang ating kultura. Huwag nating kalimutan ang pagtuturo ng salitang tagalog sa mga tahanan at importante na tayo ay makiisa sa mga inisyatiba ng komunidad ng ating kinabibilangan bilang parte ng integrasyon dito sa Italya”.

ni: Laarni Contado

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

17,000 seasonal workers para sa mga produktong Made in Italy

30,850, bilang na nakalaan para sa entries at conversion ng nalalapit na Decreto Flussi