Pinamunuan ng mga inducting officers mula sa Konsulado ang panunumpa ng isangdaan at tatlumpu’t anim (136) na mga opisyal at miyembro ng sampung (10) komite kasama ang ehekutibo ng Federation of Filipino Associations in Piedmont.
Turin – Mataimtim na nanumpa sa kani-kanilang mga tungkulin ang mga bagong halal na opisyal ng Federation of Filipino Associations in Piedmont o Fedfap at Pangulo ng federation, Mario Pedrialva sa kaniyang ikalawang termino. Ang nasabing pagdiriwang ay ginanap noong Ika-26 ng Marso,2017, sa Madonna della Guardia na matatagpuan sa Via Monginevro,Torino na dinaluhan ng maraming panauhin, namumuno at mga miyembro ng iba’t ibang samahan sa Piemonte.
Pinamunuan ng mga inducting officers mula sa Konsulado ang isandaan at tatlumpu’t anim (136) na mga opisyal at miyembro ng sampung (10) komite kasama ang ehekutibo.
Ang programa ay pinamunuan ng Pangulo ng Acfil, Rosalie Cuballes bilang emcee.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkasama-sama bilang mga panauhing pandangal at inducting officers sina Philippine Consul General Marichu Mauro, OWWA Welfare-Officer, Jocelyn Hapal at Onorario Consul ng Pilipinas sa Piemonte at Valle d’Aosta, Atty. Maria Grazia Cavallo.
Ang seremonya ay bahagi din ng pagdiriwang bilang pagtanggap sa mga bagong asosasyon na kasapi sa FEDFAP. Sa taong ito, kapansin-pansin ang malawakang paglago ng federation. Mula sa dating siyam (9) na asosasyon sa kasalukuyang dalawampu (20).
Binati at pinuri ni Philippine Consul General, Marichu Mauro ang FEDFAP at mga namumuno dito. Ayon sa kanya, ang FEDFAP ay isa sa maituturing na may pinakamaayos na pamunuan ng mga Filipino sa buong Italia. Iminungkahi niya na ipagpatuloy ang anumang magandang nasimulan ng federation para sa mas ikabubuti ng mga Filipino sa Piemonte. Dahil sa pamamagitan nito, mas lalong napag-ibayo ang magandang komunikasyon sa pagitan ng Tanggapan ng Philippine Consulate General at mga Filipino sa komunidad. Malaking kaluwagan at pagkakataon ang ibinibigay na mobile consular service ng Konsulado para sa mga Filipino upang hindi na maabalang magsadya sa Milano para sa mga papeles o pasaporto na kailangang baguhin.
Samantala, si OWWA Welfare-Officer, Jocelyn Hapal ay binigyang-diin na ang pagiging servant-leader sa ating komunidad ay maraming kaakibat na responsibilidad at sakripisyo. Na sa lahat ng pagkakataon, ang bawat hakbang ay dapat nakatuon sa ikabubuti ng nakararami. At ang pagiging mabuting halimbawa ay isang tungkulin na hindi dapat ipagwalang-bahala. Katulad ng sinabi ni Atty. Maria Grazia Cavallo, naniniwala siya na ang mga Filipino ay may pagmamalasakit, pagkakaisa at pag-ibig sa kapwa. Mga katangiang taglay ng mga Filipino na nagpakilala sa atin sa Italya. Nararapat lamang na ito ay ating ipagpatuloy.
Ang pangalawang bahagi ng programa ay inilaan sa kainan at kasiyahan, kung saan ang bawat asosasyon na miyembro ng Fedfap ay nagkaroon ng pagkakataon na magpakita ng mga natatanging bilang.
Sa huling bahagi, mula kay Presidente Mario Pedrialva, ang kaniyang pasasalamat at pag-alala sa mga taong naging bahagi na nagbigay ng oras, talento at lakas upang maging matagumpay ang ginanap na Fedfap’s Induction of Officers. Gayundin, sa mga taong nakipagtulungan at patuloy na naniniwala upang maisulong sa ikabubuti ang kalagayan ng mga Filipino sa Piemonte.
ni: Anjo Engenio
larawan ni: Carmelita Baylon