in

“We just don’t dance, we share love” – Infinity Love

“Gusto naming iparating na ‘yong everlasting limitless love, we just don’t dance, we share love” ang sigaw ng grupong Infinity Love.

Milan, Abril 27, 2017 – Ang pagsasayaw ng mga modern dances tulad ng hiphop, shuffle at trap dance ang  pinagkakaabalahan ngayon ng mga kabataan mula 5 hanggang 19 taong gulang sa Milan.

Ito ay sa pamamagitan ni Jonathan Jose, ang pinakabatang dance choreographer sa Milan sa kasalukuyan. Tubong Pagbilao Quezon at sa edad na 24 anyos ay nagtuturo siya ng mga makabagong sayaw.

Ayon kay Jose, sa Pilipinas pa lamang ay isa na siyang ganap na mananayaw. Kadalasan ay iniimbitahan ang grupo nilang “Psycom crew” sa mga piyesta sa mga karatig lugar sa probinsiya ng Quezon. Sila ay madalas ding nakakatanggap ng mga trophies at awards sa mga dance competitions.

Sa Italya partikular sa Milan, dinala ni Jose ang pangalang “Psycom crew” mula sa Pilipinas. Nag-umpisa sa tatlong katao hanggang sa naging anim, nakilala rin ang Psycom crew maging sa Italya dahil sa madalas na anyayahan ng Filcom sa iba’t ibang mga events. Kinukuha rin sila bilang mga special guests sa mga special occassions tulad ng binyag, debut at wedding parties.

Hindi naglaon ay nagpasya si Jose na magturo ng sayaw sa mga kabataan. Ibinabahagi niya ang kanyang talento sa sayaw. At binansaga niyang “Infinity Love” ang  dance group na kanyang binuo, sa tulong din ng mag-asawang Rommel at White Aceituna na sumuporta sa kanya at sa grupo.

Mahigit tatlong buwan pa lamang ang “Infinity Love”. Sa katunayan, noong nakaraang Easter Sunday ay ginanap ang formal launching ng nasabing grupo kung saan nagkaroon ng maikling programa para sa mga magulang ng mga miyembro at mga bisita ng bagong dance group.

Nag-umpisa lamang sa limang miyembro hanggang sa dumami ang mga ito“, masayang kwento ni White kasabay ng pangakong sa unang anibersaryo ng grupo ay gaganapin sa isang malaking lugar upang ma-accomodate lahat ng mga bisita.

Ayon sa dance instructor, ang registration ng mga interisadong sumali sa dance sessions ng Infinity Love ay 7euros lamang kada dawang oras  ng Biyernes at Sabado.

Talent fee? Sapat na kay Jose kung magkano ang iniaabot ng kanyang estudyante bilang talent fee. Kung minsan naman ay wala, subalit nananatiling masaya pa rin ito dahil nakikita niya ang kanyang finish product lalo na’t isinasabak na ang kanyang mga estudyante sa mga imbitasyon ng filcom para sa kanilang guesting.

Una sa lahat, ako ay nagpapasalamat kay Papa Jesus dahil hindi niya ako at kami pinababayaan. Pangalawa ay inspirasyon ko ang mga bata na tinuturuan ko, lalong lumalawak ang aking kaalaman sa pagsasayaw dahil nagkakaroon ako ng sariling trademark na dance steps“, ayon kay Jose.

Isa sa mga layunin ni Jose kung kaya’t nakafocus ito sa pagtuturo ng sayaw sa mga kabataan ay dahil na rin sa pagsuporta nito sa kasalukuyang Duterte administration partikular sa kanyang kampanyang paglaban sa ipinagbabawal na droga.

Dahil dito ay mayroon silang pinagkakaabalahang maganda para sa kalusugan at malayo pa sila sa masamang bisyo”, ayon kay Jose.

Kasama din ni Jose sa pagtuturo ng sayaw si Karl Bola bilang assistant. Siya ang nakakabatang miyembro ng Psycom crew.

Hindi naman mahirap turuan ang mga batang ito, sa edad na 5 ay nasusundan na nila agad ang mga dance steps“, pagmamalaki ni Karl.

Sa mga darating na panahon ay balak nila na magkaroon ng isang dance concert, at maliban sa mga makabagong sayaw ay hindi rin mawawala ang Philippine folk dances.

Gusto naming iparating na ‘yong everlasting limitless love, we just don’t dance, we share love” ang sigaw ng grupong Infinity Love.

Nagtapos ang isang memorableng oskasyon sa isang disco party kung saan walang tigil ang pagsasayaw ng mga kabataan hanggang sa mga adults sa mga tugtugin mula ballroom, 80’s hanggang sa mga kasalukuyang mga dance music mula kay dj Sniper.

ni Chet de Castro Valencia

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Bagong Pamunuan ng CONFED TOSCANA, Inihalal

Servizio Civile Universale, itinalaga para sa lahat ng mga kabataan