in

Pagdiriwang na Eukaristiko, matagumpay na naidaos sa Bologna

Nakiisa ang filipino community sa pagdiriwang ng ika-dalawampu’t isang taong anibersaryo ng Parokya ng San Bartolome at Gaetano sa Bologna. 

 

Bologna, Hunyo 12, 2017 – Matagumpay na naidaos sa Bologna ang isang espesyal na okasyon kung saan ay ipinagdiwang ang ika-dalawampu’t isang taong anibersaryo ng Parokya ng San Bartolomeo at Gaetano noong umaga ng ika-4 ng Hunyo, 2017. Ang pagdiriwang nito ay ginaganap tuwing ika-sampung taon bagama’t ngayon ay naging kakaiba dahil nakasama  ang iba pang lahi gaya ng Komunidad ng mga Pilipino, Ecuadoriano, Peruviano, Africano at ang mga Italyano. Sama-sama silang nakinig sa Banal na Misa at pagkaraan ay nagdaos ng prusisyon sa makasaysayang  kalsada ng Bologna.

Sa bahagi ng mga Pilipino, na pinangunahan ng El Shaddai Group at Federation of Filipino Associations of Bologna o FEDFAB at ng iba pang samahang Pilipino, nanguna sila sa prusisyon at ipinakita ang tradisyonal na Flores De Mayo at Santakrusan kung saan ay pinahalagahan ang debosyon sa mahal na Birheng Maria. Pumarada ang mga batang nagsilbing mga munting anghel, ang mga kababaihang sagala na nakasuot ng Filipiniana ay pumapel naman sa mga katauhan ng mga poon, santa at mga reyna na naging mahalaga sa pagpapalaganap noon ng sangkaKristiyanuhan sa Pilipinas. Nanguna at nagpamalas din ng ritwal ng Sinulog o pagbibigay-pugay sa Signor Santo Nino ang isang grupo, at siyang nagbigay-sigla sa ruta ng prusisyon sa kalye ng Bologna, sa saliw ng sayaw at tugtugan.

Ang mga Ecuadoriano naman ay nanalangin at sumayaw sa harap ng imahen ng mahal na Virgen del Quinche. Ang mga Peruviano, suot ang kanilang tradisyonal na kasuotan ay nanalangin at nagsayaw din sa imahen ng Senor de los Milagros. Samantalang ang mga Africano ay nagpahayag ng kanilang panananampalataya sa pamamagitan ng pagtugtog sa mga drum at iba pang instrumento.

Pagkaraan ay tumungo ang prusisyon sa Katedrale ng San Pietro at muling nagdaos ng Banal na Misa kung saan ay inihandog ito sa mga mananampalatayang komunidad ng iba’t ibang lahi. Dito ay muling sinariwa ang kahalagahan ng pagpapalaganap ng Kristiyanismo at pagpapakilala sa Ebanghelyo.

Makatapos ang misa ay ipinagpatuloy na muli ang prusisyon pabalik sa Simbahan ng San Bartolomeo at Gaetano at doon isinagawa ang konklusyon ng seremonya at pasasalamat na rin ng buong Parokya at ng kaparian sa sambayanang mananampalataya at kaisa sa pagpapahayag sa sakramento ng tunay na presensya ng Panginoong Hesukristo sa pamumuhay ng bawat isa nang may pag-ibig at kapayapaan.

 

          ni: Dittz Centeno-De Jesus

Bologna Filippine News

 

 

 

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Magkano ang dapat bayaran sa releasing at renewal ng mga permit to stay matapos ibalik ang kontribusyon?

Mga Mommies sa North Italy, nagpakitang gilas sa Pinoy Zumba Battle