Ang reporma ay magpapalawak ng mga kriteryo sa pagiging Italian citizen at nakalaan partikular sa mga ipinanganak o mga dumating sa Italya ng bata pa lamang. Narito ang Ius soli temperato at Ius Culturae.
Hunyo 15, 2017 – Simula kahapon ay nagbalik sa bansa ang mainit na talakayan ukol sa Reporma ng Pagkamamamayan o Citizenship Law na inaprubahan sa Kamara noong 2015 at na-pending ang diskusyon ng halos dalawang taon sa Senado (kung saan ang kailangang bilang ng majority ay alanganin hanggang sa kasalukuyan). Ang panukalang batas ay magpapalawak ng mga kriteryo sa pagiging Italian citizen at nakalaan partikular sa mga ipinanganak o mga dumating sa Italya ng bata pa lamang.
Ang reporma ay suportado ng Democratic Party habang salungat naman ang mga pangunahing partido ng oposisyon tulad ng Forza Italia at Lega Nord, sa katunayan ay nagkaroon pa ng protesta sa loob ng Senado ang Lega Nord – habang ang Movimento 5S ay hindi bumoto, tulad ng naging hakbang ng partido sa Kamara.
Kasalukuyang Batas
Ang pinakahuling batas na syang umiiral hanggang sa ngayon ay simulang ipinatupad noong 1992 kung saan nasasaad ang nag-iisang citizenship mode acquisition, ito ay ang tinatawag na ius sanguinis (mula Latin word na ang ibig sabihin ay karapatan dahil sa dugo). Halimbawa, ang isang bata ay ituturing na Italyano kung isa sa dalawang magulang ay Italyano. Ang isang sanggol na dayuhan ang mga magulang, kahit na ipinanganak sa Italya, ay maaari lamang mag-aplay ng Italian citinzeship sa pagsapit ng 18 anyos at kung hanggang sa pagsapit ng nabanggit na edad ay nanatiling regular at tuluy-tuloy na residente sa Italya. Sila ay mayroong 1 taon (12 buwan) para mag-aplay at maging ganap na mamamayang italyano.
Sa kabila ng pagpapatupad ng batas na ito ay matagal ng itinuturing na hindi ito sapat dahil nagtatanggal ng karapatan at nagkakait ng mga benepisyo nito sa libu-libong mga kabataan na ipinanganak at lumaki sa Italya at iniuugnay ang kanilang kondisyon sa kanilang mga magulang at sa mga permit to stay na hawak ng mga ito.
Ang mga Pagbabago
Ang bagong batas, una sa lahat ay nagsasaad ng dalawang bagong kriteryo sa pagkakaroon ng citizenship bago sumapit ang 18 anyos:
IUS SOLI (karapatan dahil sa teritoryo) at IUS CULTURAE (karapatan dahil sa edukasyon) .
Ang purong IUS SOLI ay tumutukoy sa mga ipinanganak sa bansa at awtomatikong mayroong Italian citizenship: hanggang sa kasalukuyan ito ay ipinatutupad lamang sa USA at walang bansa sa EU ang nagpapatupad nito.
Samantala ang IUS SOLI TEMPERATO sa panukalang isinulong sa Senado ay nagsasaad na ang batang ipinanganak sa Italya ay awtomatikong mamamayang Italyano kung:
- Isa sa mga magulang ay regular na naninirahan sa bansa ng hindi bababa sa limang taon;
- Kung ang magulang naman ay mayroong hawak na permit to stay ay kailangang:
- ang halaga ng kabuuang kita ay hindi bababa sa halaga ng taunang assegno sociale;
- may patunay ng angkop na tirahan tulad ng hinihingi ng batas;
- kailangang maipasa ang Italian language test.
Para sa IUS CULTURAE naman ay tumutukoy sa pagiging italyano sa pamamagitan ng edukasyon. Maaaring mag-aplay ng citizenship, sa pamamagitan ng pamamaraan na ito ang mga ipinanganak sa Italya o dumating sa Italya bago sumapit ang 12 anyos at nakapasok sa paaralan sa Italya ng limang taon at nakatapos ng elementarya o high school sa bansa.
Samantala, ang mga ipinanganak sa ibang bansa at dumating sa Italya sa pagitan ng 12 at 18 anyos ay maaaring magkaroon ng Italian citizenship matapos manirahan ng anim na taon at nakapagtapos ng isang scholastic cycle (mababa o mataas na paaralan) sa bansa.