Makabuluhan ang pagbisitang muli ni DOLE Secretary Silvestre Bello III at DOLE Director Jesus Cruz sa Milan kung saan tinalakay ang hiling na OFW center sa North Italy.
Hunyo 16, 2017 – Naging makabuluhan ang isang tagpo ng ilang filcom leaders at sangay ng Overseas Workers Welfare Administration Milan sa pagbisita muli ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III at DOLE Director Jesus Cruz sa Milan ng nagmula pa sa isang mahalagang pagpulong sa Geneva.
Sa isang banda, muling kinumpirma sa kalihim ang hiling ng mga Pilipino sa Milan at North Italy, ang pagkakaroon ng OFW center.
Sa mga kasong naidulog sa tanggapan ng OWWA Milan, ilan sa mga kababayan natin ang walang masilungan kung kaya’t sa pagmamagandang loob ng mga kababayan ay pinatitira pansamantala ang mga ito sa kanilang bahay kahit na labag ito sa nakasaad sa kuntrata sa pagitan ng may-ari at sa umuupa ng bahay.
“Gumawa kayo ng recommendation letter at ipadala niyo sa akin, at aaksyunan namin agad ito”, ani Bello.
Kung kaya’t pinamamadali niya sa filcom na maghanap na isang magandang lugar na maaring gawing center para sa mga OFW sa North Italy.
Kasama na rin sa nasabing center ang “one-stop-shop” kung saan hindi na mahihirapan ang ating mga kababayan para sa kanilang pag-asikaso ng kanilang mga dokumento tulad ng pagkuha ng SSS, PAGIBIG, PRC, OWWA at iba pa.
Ang kabuuang populasyon ng mga regular na Pinoy sa Italya ay mahigit 167,000 at 60% dito ay residente sa Milan.
Sa 4th quarter ng taon 2017 ay magkakaroon na din ng OFW bank, matatandaan na sa pagtungo ni Bello sa Milan ilang buwan na ang nakakalipas ay binanggit niya ito sa kanyang talumpati.
“By November, magkakaroon na kayo ng OFW bank, sa inyo yun, hindi sa amin”, wika pa ng kalihim.
At malaki na rin ang bawas sa mga remittance fee na babayaran ng bawat padala ng mga OFWs sa kanilang mga minamahal sa buhay sa Pilipinas, at maari din maging stockholder ang isang OFW sa OFW bank ayon kay Bello.
Maliban dito, tuluyan ng ibabasura ang pagkuha ng Overseas Employment Certificate o OEC sa buwan ng Hulyo ng taong kasalukuyan at mapapalitan na ito ng Identification ng Department of Labor and Employment o IDOLE.
Sa panig ng Philippine Nurses Association in Milan, ipinarating ni PNA Milan President Angelie Bernal kay Bello ang hiling ng madaliang proseso ng documentation papers ng mga registered Philippines Nurses na karaniwang inaabot ng mahigit 3 hanggang 6 na buwan bago makuha ang certificates nila, kung kaya’t ito ay ipaparating niya agad sa LabAtt officer ng Milan.
Samantala inihayag din ng kalihim ang pagkakaroon na ng bagong Milan Labor Attaché na si Maria Corina Padilla Buñag, na nakatakdang dumating sa huling linggo ng Hunyo ng taon kasalukuyan, at inatasan din ng DOLE Secretary si OWWA Officer /OIC LabAtt Jocelyn Hapal bilang Assistance Labor Attaché dito sa Milan.
“Kung maari umuwi na lang kayo sa atin, gagawa si Presidente ng 2Million na trabaho kada taon para sa inyo”, pagtatapos ni Bello.
ni Chet de Castro Valencia