Sama-Samang Pagsulong Para Sa Patuloy na Pambansang Pag-unlad
Genova – Ang Filcom-Genova sa pakikipagtulungan sa ibat-ibang organisasyong Pilipino sa Genova ay ipinagdiwang ang ika-119 na Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 2, 2017 na may temang: “Sama-Samang Pagsulong Para Sa Patuloy na Pambansang Pag-unlad.”
Ang pagdiriwang ay sinimulan ng isang parada bandang 11am na nagmula sa Piazza de Ferrari hanggang makarating sa venue sa Via Imperiale sa likod ng Galata Museo del Mare.
Dumalo bilang mga panauhing pandangal sina Flaureen Dacanay, Vice Consul PCG – Milan; Dott. Alberto Pandolfo, Consigliere Metropolitana-Genova; Dott. Simone Leoncini, Presidente Municipio II-Centro Est; Dott. Alessandro Morgante, Presidente Municipio VIII- Medio Levante; Sig. Davide Verri, Funzionario Amministrativo Ufficio Stranieri Questura di Genova; Prof.ssa Anna Maria Galli, Docente Universitario; Sig.ra Anna Li Vigni, giornalista.
Naging matagumpay ang mga food booth na naglalaman ng mga lutong Pinoy. Naging matagumpay din ang mga palarong Pinoy at higit sa lahat ang kanya-kanyang pakitang gilas ng bawat grupo na nagdala ng saya, simpatiya at optimismo.
“Ang kalinangan at kaalaman ng kultura at tradisyon ay isang daan ng pagkakaisa. Isulong ang pagkakaroon ng diyalogo sa pagitan ng Italya at ng mga migranti na may ibat-ibang kultura, wika at tradisyon para sa isang pangkalahatang pagsulong at pagunlad,” ayon kay Nonieta Adena, Presidente ng Filcom-Genova sa kanyang pambungad na pananalita.
Ang mga panauhing pandangal ay naging isa sa paglalahad ng kanilang pakikiisa at pakikipagtulungan sa Komunidad at mamamayang Pilipino na nagtratrabaho ng marangal, nagbabayad ng buwis at gumagalang sa mga regulasyon at batas upang magkaroon ng tunay na integrasyon sa bansang Italya higit sa lahat sa siyudad ng Genova.
Ang isang pagdiriwang katulad ng paggunita ng Kalayaan ng isang bansa ay mahalagang daan ng pakikipagtalakayan at komunikasyon dagdag pa nila.
Nonieta Adena
President – Filcom Genova