Ang mga Pinoy ay sadyang malikhain, malawak ang imahinasyon at kahit ang isang bagay ay napapakinabangan na ay nababago pa rin ang anyo nito sa iba pang bagay na mapapakinabangan din.
Milan – Si Norberto Lacap Jr, o ‘Jun Rocks’ tulad ng bansag ng mga kaibigan niya ay nakalikha ng bisikleta na yari sa frame ng isang matrimonial bed.
Ayon sa kwento ni Jun Rocks, siya ay nagpunta sa isang 2nd hand shop upang tumingin ng ilang mga kagamitan sa bahay. Dito ay isang frame ng kama ang naka-agaw ng kanyang atensiyon at ito ay agad niyang binili sa halagang 20 euros.
“May mga idea na ako kung paano ako makakapagbuo ng bisikleta, siyempre nakakita na ako sa America, sa Germany at sa ibang bansa, kung saan bumubuo sila ng mga sarili nilang bisikleta”, kuwento ni Lacap.
Nang makita niya ang frame ng kama ay nabuo agad ang kanyang imahinasyon dahil sa mga kurbada nito at sabi niya, “isang bisikleta na ito!”
Sa tulong ng kanyang kaibigang Italyano na may gamit na pang welding ay agad itong dinala sa kanyang shop at doon pinagpuputol ang tubo ng kama hanggang sa naghugis ito ng isang frame o batalya ng bisikleta.
Kasabay nito ay umorder ng gulong ng bisikleta sa isang online bicycle shop sa Milan.
“Nagawa muna ako ng drawing para sa frame ng bisikleta, bago ko pinutol ang mga tubo”, ani Jun Rocks.
At doon na pumasok ang marami niyang mga idea kung papaano niya pagagandahin pa ang kanyang kaiibang disenyong bisikleta. Ang manobela ng bisikleta naman ay dalawang malaking socket wrench, maliit na adjustable wrench para sa kanyang hand break, maging ang bike stand ay isang socket wrench din at pinagbabaklas niya ang mga pedal, kadena, sprocket sa luma niyang bisikleta at doon niya inilagay sa inaasemble niyang bisikleta.
Kulang–kulang tatlong linggo ito ginawa, at ng iparada na ito sa plaza sa Bollate ay naging atraksiyon ito hindi lamang sa mga Italiano kundi pati sa iba pang lahi, at hinangaan si Jun Rocks sa kanyang nilikhang bisikleta.
Bawat daan ng mga tao ay kinukunan ito ng litrato at hindi lang yun, sinubukan din nilang ipedal at sakyan ang ‘sikat’ bisikleta, mapa bata man o mga binata.
Dinumog din ng tao ang bisikleta ni Lacap nang dalhin ito sa sentro ng Milan. Mayroon din nagtangkang bilhin ang kanyang bisikleta sa halangang 1,200 euros subalit hindi ito pumayag.
“Parang anak mo na rin yan e, ginawa mo tapos ipapaampon mo sa iba, sasama ang loob mo”, tugon ni Lacap
Subalit nagpahiwatid naman ng pagnanais si Lacap na ipag-assemble sila ng ganung klase ng bike ngunit sila na ang bibili ng mga materyales na gagamitin.
Ayon kay Jun Rocks, isang taon na nitong buwan ng Agosto ang kanyang bisikleta. Mula noon ay ito na ang naging service ni Lacap sa pagpasok sa kanyang pang araw-araw na trabaho sa sentro ng Milan.
Mula sa kanila sa Bollate ay sinasakay pa ng tren papunta ng Cadorna at magbibisikleta na si Lacap papunta sa kanyang trabaho.
“Kasya naman ang aking bike sa train kasi dalawang metro at kalahati ang haba ng bike at ang lapad naman ng pagpapasukan ng bike sa tren ay 2.7 meters”, ani Jun Rocks.
Ang particular na bisikleta ay may alarm system din kung kaya’t hindi na siya gumagamit ng kadena para i-lock ang kanyang bike sa tuwing magpaparada ito malapit sa kanyang trabaho o kahit saan man siya mapunta. Dagdag niya, sa darating na panahon ay lalagyan pa niya ito ng isang GPS tracking device.
Bukod sa bike na yari sa frame ng kama, nakapaglikha na din ito ng isang “kick scooter” na yari sa mga paa ng bar high chair, na napulot lamang niya sa tabi ng kalsad. Pati rin ang mga gulong ng scooter y napulot din lamang.
Hindi lamang ito, ang electric guitar na hindi na napapakinabangan ay kanyang pinulot at ginawa ring bag para lalagyan ng kanyang mga gadgets.
At dahil sa pagiging malikhain ni Jun Rocks ay mayroon siyang tila mini museum sa bahay kung saan makikita ang mga innovations galing sa mga scrap materials.
Bukod dito, siya ay isang band leader at composer noong mga unang panahon niya sa Italy. Nakapag composed na siya ng mahigit 15 mga kanta na hinangaan ng mga Pinoy.
“Sadya akong malikhain, at nagpapasalamat ako sa diyos sa talento na binigay niya sa akin”, masayang tugon ng artist na higit 15 taon ng residente sa Milan kasama ang kanyang butihin asawa na si Mae at talong anak.
“Ang maipapayo ko, kung nararamdaman ninyo sa inyong mga sarili na kaya, tuloy-tuloy lang, huwag kayong tumigil, kahit may mga critics, tuloy pa rin ang pag-create, dahil sa isang creation hindi mawawala ang critic e.” sa pagwawakas ni Jun Rocks.
Chet de Castro Valencia