Kung may mga kabataang Pilipino dito sa Italya na karapat-dapat na ipagmalaki, isa na dito si MEGAN PADILLA, ang Pinay Ballerina ng Bologna.
Bologna – Isinilang si Megan Padilla sa Rimini noong ika-20 ng Agosto taong 2000 at kasalukuyan nang naninirahan sa Bologna kapiling ang kanyang mga magulang na sina Isagani Padilla at Carmencita Roque. Sa edad na anim na taon ay nagsimula na siya ng kanyang ballet lessons at hanggang ngayong siya ay nasa ika-apat na taon na sa kursong Economia sa Istituto Tecnico Commerciale e per Geometri Crescenzi Pacinotti.
Sa La Scuola di Danza Arabesque naman siya kasalukuyang nagpapatuloy ng kanyang pag-aaral at ensayo ng ballet at iba pang dance lessons, sa araw-araw pagkatapos ng kanyang iskedyul sa Scuola Pacinotti. Halos tatlong oras ang kanyang ginugugol sa gabi, mula ika-7 hanggang ika-10, para lamang mapanatili ang disiplina at ang porma ng kanyang katawan at mapalago pa ang kasanayan.
Sa bawat pagtatapos ng taon sa scuola, nagkakaroon sila ng “saggio di fine anno”, kung saan ay ipinamamalas nila ang kanilang mga natutuhan sa pamamagitan ng isang pagtatanghal at ito ay pinamamahalaan din minsan ng Jeni Dance Company sa ilalim ng direksyon ni Paola Jeni at sa tulong rin sa koreograpo ni Stefano Cevenini.
Ang mga pagtatanghal na ito ay lagi niyang pinangungunahan bilang bidang karakter. Noong taong 2013, ang Paquita; 2014, ang Napoli at 2015 ang Rapunzel. Taong 2015 naman ay mula sa Jeni Dance Company, ang Cenerentola at maging ang Alice in Wonderland. Nitong buwan ng Pebrero ng kasalukuyang taon, sa loob ng anim na gabi ay nagtanghal siya bilang bahagi ng La Fura Dels Baus sa Teatro Comunale di Bologna.
Ang huling pagtatanghal niya ay nitong ika-13 ng Hunyo sa Teatro il Celebrazioni, bilang ang pangunahing karakter sa SYLVIA, isang spettacolo di danza mula sa Scuola di Danza Arabesque, sa direksiyon ni Paola Jeni at Stefano Cevenini at sinematograpiya multimediale ni Paola Parisi. May nakasama din siya ditong 7-taong gulang na batang Pilipina, si Kaila David. At gaya ng mga nauna nilang mga pagtatanghal, lagi nilang inihahandog ito sa memorya ng yumao niyang kaibigan at kasama sa pagsasayaw noon, si Kimberly Maye Ramos, ang ballerina na maagang namayapa dahil sa sakit na kanser. Ang pagkawala ng kanyang kaibigang si Kim ay masasabi na ring isa sa mga naging malungkot na bahagi sa buhay ni Megan, dahil halos itinuring niya itong kapatid at hinangaan na rin dahil sabi nga niya ay mahusay rin itong ballerina.
Gaya ng ibang mga kabataan, may iniidolo din si Megan, ang American ballet dancer na si Misty Danielle Copeland, ang unang African-American woman na kinilala at naging principal dancer ng American Ballet Theater sa kasaysayan nitong 75 taon. Si Misty ay naging isang public speaker na rin bukod sa pagiging celebrity spokesperson at stage performer, at nakapagsulat na rin ng kanyang autobiographical books. Isa pa ay si Miko Fogarty, ang half-Swiss, half-Japanese ballerina na nakabase na sa Amerika. Ayon kay Megan, hindi tipikal na gifted dancer si Miko pero pinagsikapan niyang matuto nang husto. At sa ngayon nga ay umaani na rin ng tagumpay sa mundo ng ballet.
Sa kasalukuyan ay may maibabahagi na ring tagumpay si Megan sa mga sinasalihan niyang mga kompetisyon at nakukuha niya ang mga titulong Migliore Talento sa mga Concorso Nazionale. At nitong taong 2017, sa Mantova Danza -Sezione Contemporaneo Categoria Solisti Junior, ay nakuha niya ang Secondo Classificato. Patuloy rin siya sa pagsali sa mga audition sa ibang mga scuola at dance company at para rin sa iba pang tipo ng kompetisyong classica, contemporanea at moderna.
Ano pa ba ang mga pangarap ng dalagang ito? Nais niyang maging isang tourist guide o stewardess balang araw. Ang kasanayan niya sa pagsasalita ng iba-ibang wika , gaya ng Filipino, English, Italian, French, Dutch at iba pa ay tunay na makakatulong sa kanya bukod sa kanyang hilig sa pakikipag-ugnayan sa iba. Ika nga, she loves talking to people.
Bukod sa pagsasayaw, may iba pa siyang talento gaya ng pag-awit, pagtugtog ng piano at gitara, sa aikido at scherma. Ang mga ito ay nakuha na rin niyang kasanayan mula sa kanyang mga magulang na laging nakasubaybay at naka-suporta sa kanya.
Sa huling bahagi ng panayam ay nagbigay si Megan ng payo sa mga katulad niyang kabataan – “Never lose hope, strive always and give your best. You have to be what you really are.”
May iba pang mga katulad ni Megan na mga kabataan dito sa Italya na may mga angking talento at kakayahan at tunay na maipagmamalaki ng ating bayan. Nais natin silang maipakilala rin bilang ating kababayan na may sariling pagsisikap na maiangat ang sarili at maibahagi ang kaalaman . Mabuhay ang mga Pilipino.
ni: Dittz Centeno-De Jesus
Filippine-Bologna News
OFW Watch News and Stories