Umabot sa 100,000 ang mga nakalap na pirma upang labanan ang Ius Soli. Ito ang inanunsyo ni Matteo Salvini ukol sa dalawang araw na inisyatiba ng Lega at Noi con Salvini.
Ayon sa mga pinakahuling datos, ang Italya ang mayroong pinaka mataas na bilang sa buong Europa sa pagbibigay ng Italian citizenship sa mga kwalipikadong dayuhan sa pamamagitan ng kasalukuyang umiiral na batas. Bukod dito ay patuloy pa rin ang pagsusumikap ng PD upang ganap na maaprubahan ang panukalang batas sa Ius Soli o ang pagbibigay ng italian citizenship sa mga anak ng mga imigrante.
Kasabay ng pagsusumikap na ito, ay sinimulan din ang isang kampanya nitong nakaraang Sabado at Linggo laban naman sa panukalang batas o ang No Ius Soli. Para sa mga naglunsad nito, ang Lega at Noi con Salvini, ang panukalang batas umano ay isang maling batas at magiging sanhi umano ng mas malalang suliranin ng bansa tulad ng mas mababang sahod at higit na krimen.
At upang maipakita ang paglabag sa batas ng Ius Soli ay kumalat sa mga pangunahing plasa nitong nakaraanan weekend ang malawalang pangangalap ng pirma sa tinatayang 1000 gazebos sa buong bansa. “Hindi ipinamimigay ang citizenship” ang tema sa lumipas na dalawang araw.
Sa katunayan, umabot sa 100,000 ang mga nakalap na pirma upang labanan ang Ius Soli. Ito ang inanunsyo ni Matteo Salvini ukol sa dalawang araw na inisyatiba ng Lega at Noi con Salvini.
“Layunin ng aming insyatiba ang ipaliwanag sa mga mamamayan na ang pag-apruba sa panukalang batas ay isang hadlang para sa bansa. Ang pagbibigay ng madaling citizenship ay tila isang paanyaya sa ibang bansa na magpunta at manirahan sa Italya na hindi namin pahihintulutang mangyari. Ito ay hindi kailangan dahil ang pinaiiral na batas ay mahusay na ipinatutupad. Ito ay isang maling batas”, ayon kay Matteo Salvini.