Isa sa layunin ni Grandmaster Eugene Torre ang bisitahin ang Filipino community sa iba’t ibang bahagi ng Italya upang itatag ang Grandmaster Eugene Torre Chess Association, Italy o GETCAI.
Makasaysayan ang naging pagbisita ni Chess Grandmaster Eugene Torre, kasama ang kanyang maybahay, sa Italya partikular sa dalawang dahilan: una ang lumahok sa 27th World Senior Chess Championship sa Acqui Terme, kasama si Grandmaster Rogelio “Joey” Antonio. At ikawala ay ang bisitahin ang Filipino community sa iba’t ibang bahagi ng Italya.
Sa katunayan, sa tulong ni International Master Virgilio Vuelban ay naisagawa ang mga unang hakbang upang maisakatuparan ang layuning itatag ang Grandmaster Eugene Torre Chess Association, Italy o GETCAI.
Layunin ni GM Torre sa pagbuo ng nasabing asosasyon ang mahikayat ang mga manlalaro ng chess na ipagpatuloy at ipalaganap ang sports na ito bilang tulong sa pagpapatalas ng kaisipan ng mga kabataan at mga mahihilig maglaro at gawin ding programa sa pagsugpo sa bisyo at paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Magkakaroon ng mga chapters sa iba’t ibang pangunahing lungsod ng Italya partikular sa Genova, Roma, Firenze, Bologna at Milan na kanyang isa-isang binisita.
Sa Roma ay nagkaroon ng Chess Marathon kung saan sampung mga chess players ang sabay-sabay na humamon sa husay, bilis at diskarte ng 1st Asian Grand Master.
Sila ay sina Benjamin Eclarin, Luis Salle, Nick Calbay, Mirol Delco, Juanito Mayo dela Cruz, Paolo Capitelli, Jimmy Valete, Arman Mondares, Philip de Vera at Ernesto.
Partikular, noong Nobyembre 21, sa Manila Restaurant, isang kilalang Pinoy resto sa Roma kung saan ginanap ang Chess Marathon ay inanunsyo ang mga pinuno ng Rome Chapter na pangunahing layunin ay ang mag-organisa at magpatuloy ng legacy sa chess ng Grand Master.
Hinirang si Benjamin Eclarin, bilang Presidente at Luis Salle, bilang Vice President na malugod namang tinanggap ang posisyon at nangangakong ipagpapatuloy ang promosyon sa larong chess.
Samantala, naging dagdag na atraksyon rin ang pagbisita ni Chess Grandmaster Eugene Torre, kasama ang kanyang maybahay at si International Master Virgilio Vuelban, sa ginawang anibersaryo ng OFW Watch sa Bologna.
Milan Italy