Ang unang petsa ng taon para sa pagbabayad ng kontribusyon ng mga colf, babysitters at caregivers ay nakatakda hanggang Jan 10, 2018. Ito ay para sa huling 3 buwan ng taong 2017.
Ang mga employer ng colf, caregiver o babysitter ay may panahon hanggang Jan 10, 2018 upang bayaran ang kontribusyon ng social security para sa mga buwan ng Oktubre, Nobyembre at Disyembre 2017. Ang halagang dapat bayaran ng worker ay babayaran muna ng employer na maaaring kaltasin na lamang sa sahod ng mga ito.
Maraming paraan upang ito ay mabayaran. Maaaring sa pamamagitan ng internet, sa www.inps.it; sa pamamagitan ng telepono sa pagtawag sa call center sa numero 803 164 at gamit ang credit card; o sa pamamagitan ng bollettino MAV na ipinadadala ng Inps sa employer o ito ay maaaring gawin din sa pamamagitan ng website; sa mga tobacco shops, mga bangko at post offices na Reti Amiche circuit.
Ang halaga ay nag-iiba batay sa suweldo, ngunit ang mga trabahong higit sa 24 oras bawat linggo ay mayroong flat amount. Bukod dito, para sa mga ‘determinato’ ang kontrata (maliban na lamang kung naka leave dahil sa pagkakasakit o pagbubuntis) ang halaga ng kontribusyon ay mas mataas.
Sa unang pagbabayad sa taong 2018 na nakalaan para sa huling tatlong buwan ng nakalipas na taon ay gagamitin ang halagang balido para sa taong 2017.
Paalala: Bukod sa kontribusyon ng Inps, ay kailangan din bayaran ng employer ang Contributo di assistenza contrattuale (Codice F2) para sa access sa mga benepisyo ng Cas.sa Colf. Ang halaga para sa taong 2017, para sa mga may kontrata na determinato at indeterminato, anuman ang halaga ng sahod at oras ng trabaho ay € 0.03 (kung saan ang € 0.01 ay bahagi ng worker) kada oras.
Basahin rin ang:
Colf, caregivers at babysitters, narito ang halaga ng kontribusyon ngayong 2017