Ang 6 na kopinan ay nagmula Roma, Milano, Udine, Firenze, Modena at Bologna at binubuo ng mga kabataang may edad 23 pababa.
Naging matagumpay ang One-day Basketball league na ginanap noong ika-6 ng Enero, 2018, sa Sferisferio Gym sa Via Irnerio, Bologna, Italya. Ito ay nilahukan ng 6 na koponan mula sa mga siyudad ng Roma, Milano, Udine, Firenze, Modena at Bologna. Ang mga nagsipaglaro ay mga kabataang ang edad ay 23 anyos pababa. Bakas ang sigla at kasiyahan sa kanilang mga mukha at gawi dahil sa panibagong adbentura na naman para sa kanila ang mapasali sa larong basketball at muling makalaro ang mga koponang kanila ding nakakatunggali sa mga ligang idinadaos din sa iba’t ibang siyudad. Dinayo din ng mga manonood mula sa mga kalapit na lugar ng Bologna dahil masasabing may mga tagahanga na rin ang mga koponang ito. Maging ang mga magulang at kaanak ng mga manlalaro ay naroon din upang suportahan sila. Kabilang din sa mga nanood ay ang mga isponsor na naniniwala sa layunin ng organizer at ng mga tagapangasiwa ng bawat koponan na ang pa-liga ay isang pamamaraan upang ang mga kabataan ay mahilig sa isports at makaiwas sa masasamang bisyo.
Ating kilalanin ang organizer ng ligang ito, walang iba kundi si IVAN ERICK BOLUS, 27 anyos, may-asawa (Carla) at mula sa Mabalacat, Pampanga. Kumuha ng kursong Computer Science at ngayon ay full-time worker sa McDonalds, Bologna. Pinetisyon siya ng kanyang mga magulang sa edad na 17 at namalagi sa Milano hanggang taong 2012. Doon ay naingganya siyang maglaro ng basketball at napasali rin sa mga liga. Nang lumipat na sila sa Bologna, muli siyang naglaro at napasali sa isang koponan. Nguni’t ayon sa kanya, di sapat ang maglaro lamang kundi dapat ay matutuhan din niya kung paano pangasiwaan ang mga palaro. Kung kaya’t nagboluntaryo siyang maging isa sa staff kapag may paliga. Natutuhan niya ang mga patakaran at mga pamamaraan at nagpasiyang magpasimula ng mga exhibition games kasama ang mga naging kaibigang manlalaro. Sa simula ay ang mga koponan lamang dito sa Bologna ang naiimbita niya hanggang pati na rin ang mga taga-ibang lugar sa tulong ng mga nakikilala. Taong 2016 siya nagsimula at buhat noon ay naka-sampung pa-liga na siya at dalawampung exhibition games.
Ano ba ang naging layunin niya at pinasimulan niya ito?
“Nais ko pong magkaroon ng pa-liga na maayos at tunay na magbibigay ng kasiyahan sa manlalaro at manonood. Una at higit sa lahat ay para ito sa mga KABATAAN. Bahagi ng layunin ko na mailayo sila sa masasamang bisyo gaya ng droga, sugal at alak. Ikalawa, ay kilalanin ang kanilang kahusayan sa larangan ng basketball at ito ang maging susi para sa kanilang ikatatagumpay at pag-unlad”, pahayag ni Ivan. Sa kanyang pa-liga, hindi niya hinangad ang kumita, bagkus ay umaasa lamang siya na masustine ang mga gastusin at paprempyo sa kalakaran ng paghingi ng entry fee mula sa mga sasaling koponan. May ilan din namang mga isponsor na nagbibigay para sa tropeo ng mga magsisipagwagi. Ang bumubuo ng kanyang komite tuwing may palaro ay pawang mga boluntaryo, kabilang dito sina: Chiara Artillaga, Mariel Atienza, Joshua Mae Asi, Gia Marhel, Joshua Apigo at Caroline Artillaga.
Sa nakaraang pa-liga nitong Enero 6, ang mga naging kontak niyang mga taga-pangasiwa ng mga koponan ay sina: Randy Malijan (Firenze), Gregorio Mendoza (Modena), Shorly David (Udine), Ever Cuerdo (Milano), Jonar Araja (Roma) at sina Lloyd Mangornong at Emmanuel Galve (Bologna).
Ang itinanghal na kampeon ng palaro ay ang koponan mula sa Roma, ikalawang puwesto ang Bologna, ikatlo ang Milano, Firenze ang ika-apat, ikalima naman ang Modena at panghuli ang Udine. Si Patrick Tristan Dimayuga ng Roma ang napiling Most Valuable Player. Best in three points ay si Nathan Barcebal ng Roma. Ang Best Muse ay mula sa Modena, si Diane Magtibay.
Pumili rin ng Mythical 10 na pawang mahuhusay base sa statistics. Sila sina Jeffrey Gian Cruzat (Bologna), Jhon Markoz Alonzo (Milano), Mher Brian Laluna (Bologna), Daryl Ignacio (Milano), Gabriel Gomez (Roma), Thomas Pangilinan (Roma), Albert Petine (Bologna), Jose Carlos Cullar (Roma) , Marc Gega (Milano) at Arnel Araja (Roma).
Nagkaroon din ng Under 17 Exhibition Game sa pagitan ng Proudly Pinoy Team ng Milano at Bologna Team kung saan ang koponan ng Bologna ang nanalo at si Renzel Sese ang naging Most Valuable Player.
Ang mga officials na nag-referee ay mula sa Fedarazione Italiana Pallacanestro (FIP).
Sa natapos na liga, pinatunayan nito na maaaring magkaroon ng palaro nang walang rambulan o alitan bagkus ay “friendly games” sa pagitan ng mga koponan. Nabubuo din ang camaraderie at magandang aktityud ng sportsmanship. Tunay ngang kapag ginusto ng Pinoy na maging mahusay at huwarang manlalaro ay kanyang magagawa. Ito ay repleksiyon din ng mabuting hangarin at pag-uugali ng kabataang organizer na katulad ni IVAN. Saludo Sa iyo, kabayan!
ni:Dittz Centeno-De Jesus
larawan nina:
Gyndee Photos
Ivan’s Photos