Sa unang-unang pagkakataon ay naging bahagi ang filipino communtiy sa makasaysayang parada sa Vatican.
Makasaysayan at makulay ang naging pakikiisa sa unang-unang pagkakataon ng filipino communtiy sa paggunita ng feast of Epiphany o ang pista ng tatlong hari sa Vatican noong nakaraang Jan 6.
Kasabay nito ay ang pagdiriwang ng tanyag na alamat sa bansa na pagbisita ng “Befana” o ang matandang babae na ang itsura ay katulad ng isang ‘witch’ o mangkukulam na nagbibigay ng regalo, partikular ng mga candies sa mga batang mababait tuwing hatinggabi ng Jan 5.
Sa katunayan, ang ‘Viva la Befana’, ang pangalan ng pagdiriwang, ay ginagawa taun-taon mula 1985 upang gunitain ang nasabing okasyon sa pamamagitan ng isang parada mula sa garden ng Castel Sant’Angelo hanggang Vatican kung saan matutunghayan ang mayamang tradisyon at makulay na kultura sa pamamagitan ng musika, magagarbong kasuutan, na naglalarawan ng pamumuhay ng komunidad na may malawakang partesipasyon buhat sa iba’t ibang asosoasyon ng mga boluntrayo mula pa sa iba’t ibang bahagi ng Lazio tulad ng Cave, Genazzano at San Vito Romano na kahalintulad ng paglalakbay ng tatlong hari.
Tema ng pagdidirwang ang kapayapaan, pagdadamayan at kapatiran ng buong komunidad na syang sumisimbolo sa ‘handog’ ng tatlong hari sa lahat ng mga pamilya sa buong mundo.
Dahil dito, naging makasaysayan ang unang pakikibahagi ng filipino community na dinaluhan ng La Salette Filipino Community at Pinoy Teens Salinlahi suot ang iba’t ibang traditional at filipiniana dress, tulad ng Mara Clara, Igorot, Muslim at Barong na itinampok sa parada.
“Bilang bahagi ng Parocchia Nostra Signora De La Salette, kung saan nanalagi at nanggaling ang kwadro ng Sacred Family, na syang nagbukas ng parada ay lubos ang aming pasasalamat sa pagkakataong maimbitahan ang filipino community sa mahalagang pagdiriwang na ito. Mahalaga ang aming partesipasyon bilang komunidad, kasama ang mga kabataan ng ikalawang henerasyon upang maipakita rin ang ating paniniwala bilang katoliko”, ayon kay Sonny Arciaga.
“Kaming mga kabataan ay natutuwa rin dahil naging instrumento kami ng pakikiisa sa okasyong ito sa pamamagitan ng kulturang Pilipino”, ayon kay Keile Soriano ng Pinoy Teens Salinlahi.
Isinara ang pagdiriwang ng Santo Padre sa pamamagitan ng dasal na Angelus mula sa kanyang bintana.
PGA
larawan ni Boyet Abucay