Ang mga patimpalak-kagandahan bagama’t minsan ay may kabuntot na usapin, reklamo at protesta, ay totoong nagiging pamamaraan din upang madiskubre ang mga nakatagong ganda at talento ng mga Pilipina at Pilipino.
Sa mga nagdaang taon, naging saksi tayo sa maraming bilang ng mga patimpalak-kagandahan sa Italya. Bawat malalaking siyudad ay may sariling patimpalak na may iba’t ibang titulo: mayroong para sa kabataang babae, sa mga ginang, sa mga lola, sa mga modela at maging sa mga kalalakihan.
Bawat kontes ay may layuning pampromosyon ng kani-kanilang organisasyon o kumpanya. Mayroon din namang inilalaan para sa kanilang adbokasiya na pagtulong sa mga nangangailangan sa Pilipinas o kaya naman ay para sa isang mithiing laan sa sangkatauhan, sa kalikasan o sa kultura.
Marami sa mga kabataan, babae man o lalaki ang nangangarap ng tagumpay sa larangan ng kagandahan, kakisigan at kagalingan sa pagmomodelo. Madalas ay natatanong sila na ano ba ang karapatan nila para sumali. Maging ang mga ginang at lola na ay naiingganya din na makilahok sa dahilang kakaibang karanasan din umano ito sa kanila na nalagpasan nila noong sila ay nasa kabataan pa.
Sa ilang nakapanayam ukol dito, sinabi ni Lyra Franco, tubong Camarines Sur, Bicol, ang first runner -up winner sa ginanap na Ginang Pilipinas 2018 sa Milan nitong Enero, sumali siya para malaman kung ano nga ba ang pakiramdam ng isang nasa loob ng kompetisyon, kumbaga ay isang hamon sa katulad niyang ginang na. Ang makilahok ay isang pagsukat na rin sa taglay na kakayahan. Sa buwan ng Hunyo ay muli siyang isasali sa kontes na Face of Asia, sa bansang Germany naman ito gaganapin.
Ayon naman sa dalagang si Carlota Del Rosario, ang kasalukuyang Miss Small World 2017 at may mga iba pang titulong nakamit, sa panayam sa kanya noon, patuloy pa rin daw siya sa partesipasyon sa iba pang mga kompetisyon dahil para sa kanya ang bawat kompetisyon ay makakapagturo sa mga kandidata ng bagong karanasan, pag-unlad ng personalidad, pagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili at higit pang maipamalas ang potensiyal na taglay bilang babae. Ang mga patimpalak ay maaari ding maging daan sa pagpasok sa ibang larangan gaya ng pag-arte at pagmomodelo at ang pinakamahalaga ay ang karanasang dala ng bawat isa sa pagsalunga sa higit pang mga hamon sa buhay.
Isa sa mga pakontes na nakaukol para sa adbokasiya sa proteksiyon ng kalikasan ay ang Miss Philippines Earth-Italy na ginanap sa Roma noong ika-18 ng Pebrero. Sumali dito si Celeste Cortesi, ng Parma, anak ng Pilipinang si Maria Luisa Rabimbi. Matatandaang noong nakaraang taon ay sumali si Celeste at nagwagi sa Balik sa Basik 2017 Lakambini ng Kulturang Pilipino na ginanap naman sa Bologna noong ika-22 ng Oktubre 2017, kung saan ay itinampok ang mga likhang damit ng Fashion Ambassador na si Renee Salud.
Ayon sa mentor niyang si Daisy del Valle, pangulo ng Bahaghari Group ng Reggio Emilia, bagama’t may dugong banyaga si Celeste (ang ama niya ay isang Italyano), Pilipina pa rin ang dinadala niyang representasyon sa bawat patimpalak na kanyang sinasalihan. At patuloy ang pagsisikap nitong matutuhan ang mga tradisyon at kulturang Pilipino, bagama’t hirap sa pagsasalita ng wikang Tagalog ay nakakaintindi naman siya maging ng wikang Ingles.
Ang tanging mithiin ni Celeste ay maabot ang kanyang mga pangarap para sa kanilang pamilya, ang kanyang ina at kapatid na babae. Ang kaniyang ama ay matagal nang pumanaw kaya naatang sa balikat ng kanyang ina ang pagtataguyod sa kanilang magkapatid. Nais din niyang makauwi muli sa Pilipinas at makapiling ang mga kaanak doon, makapamuhay ng simple at maginhawa.
Sa katayuan ngayon ni Celeste na hawak ang dalawang titulo ng kagandahan, ang MISS EARTH PHILIPPINES-ITALY at ang BALIK SA BASIK LAKAMBINI 2017, hindi nga malayo ang nais niyang paroonan. Makakauwi siya sa Pilipinas at muling papasok sa isang patimpalak -kagandahan kung saan ay ipapamalas niya na ang isang Pilipina, may halo mang dugong-banyaga ay Pilipina pa rin base sa taglay nitong talino, kasanayan at kaugalian. Isa sa mga naiisip ng iba ay maaari ding maging puhunan ito na makapasok sa larangan ng medya gaya sa telebisyon at pelikula.
Ang mga patimpalak-kagandahan bagama’t minsan ay may mga kabuntot na usapin, mga reklamo at protesta, may positibo din naming nadadala sa buhay ng mga Pilipinong manggagawa sa Italya. Nagiging daan ito ng pag-eskapo samandali sa realidad ng buhay, sa hirap sa araw-araw na paghahanap-buhay. At totoong nagiging pamamaraan din upang madiskubre ang mga nakatagong ganda at talento ng mga Pilipina na maaaring maging tiket sa pagtupad ng kani-kanilang mga pangarap sa sarili, sa pamilya at maging para sa karangalan ng sariling bansa.
ni: DITTZ CENTENO-DE JESUS
Mga larawan nina:
Ginang Pilipinas 2018 (Christopher Castro)
Miss Small World 2017
Miss Philippines Earth-Italy (Dennis Magahis)