Cardiopulmonary Resuscitation (CPR), Rescue Breathing at choking and foreign body airway obstruction management, ang mga importanteng paksa sa seminar na ito.
Nagsagawa ng First Aid at Basic Life Support (BLS) Training Seminar ang CONFED Tuscany sa pakikipagtulungan ng Societa’ Soccorso Pubblico di Montecatini Terme. Sa pangunguna ni Quintin Cavite Jr., Chairman ng Committee on Health and Sanitation at ng Committee heads na sina Remely Abrigo at Cenon Palejon, matagumpay na naisagawa ang isang araw na seminar ng Basic Life Support (BLS) na ginanap sa Parterre, Piazza della libertà Firenze noong ika-25 ng buwan ng Pebrero mula alas 9 ng umaga hanggang alas 2 ng hapon na dinaluhan ng umabot sa 60 partisipante mula sa iba’t-ibang panig ng rehiyon ng Toskana. Layunin ng pagsasanay na ito na mabigyan ng tama at karagdagang kaalaman ang mga partisipante sa mga pangunahing hakbang sa pagsalba sa buhay ng isang tao sa panahon ng sakuna.
Mga importanteng paksa sa seminar na ito ang Cardiopulmonary Resuscitation (CPR), Rescue Breathing at choking and foreign body airway obstruction management. Ang biglaang pagdating ng sakuna, kasama na rin ang kakulangan ng kahandaan ng karamihan ay siyang nagdudulot ng matinding pagkawala o pinsala sa kalusugan at maging sa buhay ng bawat isa. Bilang tugon sa pangangailangan na ito, napagdesisyonan ng mga opisyales ng CONFED sa pangunguna nina Pres. Divinia Capalad at Vice Pres. Amy Bayongan na magorganisa ng workshop seminar na tatalakay sa mga posibleng sakuna at dagliang solusyon para mailigtas ang sarili at pati na rin buhay ng ibang tao sa oras ng pangangailangan, bago pa man dumating ang propesyonal na saklolo.
Isang team ng rescue instructors at nurses ng Soccorso Pubblico mula sa Montecatini Terme na pinamumunuan ni Valerio Parenti at ni Nicola Petacchi ang siyang nanguna sa pagtuturo ng Basic Life Support. Sa dalawang bahagi ng seminar, theorical at practical, tinalakay ang iba’t ibang uri ng karamdaman na maaring maging sanhi ng tinatawag na state of emergency, kung papaano dalhin sa ligtas na lugar ang sarili at ang mga pasyente, at ang tamang pagtawag ng saklolo sa emergency number na 118. Bakas sa mukha ng mga nakiisa sa seminar ang interes dahil ang mga tinalakay ay mga bagay na personal nilang naranasan sa kani-kanilang bahay, lugar ng trabaho, o maging sa kalsada man. Kung may tamang kaalaman sa mga sitwasyon ng emergency ay madaling makakaresponde ang bawat isa at mababawasan ang pagpapanic na kadalasan ay siyang nagiging sanhi ng pagkumplika ng sitwasyon.
Hindi nawala sa importanteng pagkakataon na ito ang butihing konsul na si Dott. Fabio Fanfani na sa kabila ng napakaraming ebento sa araw na iyon ay nagawa pa ring bumisita sa seminar upang maipakita sa komunidad ng mga Pilipino sa Firenze ang kanyang walang sawang pagsuporta sa lahat ng mga inisyatibang inoorganisa ng konpederasyon. Ayon sa kanya, ang mga ganitong uri ng pagsasanay ang tunay na kailangan ng lahat dahil ang mga sakuna ay dumarating na walang babala at hindi tayo dapat maharap sa mga ito na walang anumang kaukulang preparasyon. Dumating din bilang kinatawan ng Comune di Firenze si Consigliere Marco Colangelo na pinuri ang magandang proyekto na ito at masaya daw siyang personal niyang nakita ang pagkakaisa ng mga Pilipino pag nagkakaroon ng ganitong mga importanteng ebento.
Sa pagtatapos ng seminar workshop ay ginawaran ng sertipiko ang lahat ng nagtapos sa pagsasanay. Inaasahang magkakaroon pa ng ikalawang bahagi ang seminar na ito dahil nakita ng lahat ang positibong risulta ng nasabing workshop.
ni: Quentin Kentz Cavite Jr.