Ang babae ay inihahalintulad sa mamahaling perlas at babasaging kristal.
Sa dinami-daming, Nilikha ng Diyos
May isang nilalang, Hinubog inayos
Ginawang babae, Na tagapag-ayos
Sa gawaing-bahay, Siya ang tatapos
Babae, Ikaw ay dakila
Mamahaling perlas, Na idadambana
Angkin mong alindog, May dalang hiwaga
Sa pusong may lungkot, Nagbibigay tuwa
Dapat kang igalang, At pakamahalin
Ng sinumang sayo’y, Magtangkang aangkin
Babasaging kristal, Ang iyong kahambing
Na dapat ingatan, At paka sambahin
Isa kang maybahay, At ulirang Ina
Inang maawain, Sa anak mong dala
Siyam na buwang ako, Na iyong kinarga
Sa sinapupunan, Oh Mahal Kong Ina
Nang ako’y isilang, Sa mundong ibabaw
Iyong inilaan, Ang angkin mong buhay
Hindi ka nagsawang, Ako’y alagaan
Ako ay lumaki, Sa iyong kandungan
Ang lakas ng iyong, Pagiging babae
Na ipinamalas, Sa araw at gabi
Sa pag-aalaga, Sa anak nya kasi
Mula nang isilang, Hanggang sa lumaki
Ang taglay mong tinig, Ay umalingawngaw
At sa buong bayan, Nagsilbing batingaw
Ipinaglaban mo, Sa mundong ibabaw
Na ikaw ang siyang, Magsisilbing ilaw
Ikaw ay bumuo, Ng isang samahan
Upang makilala, Ang kababaihan
Ginawa mo itong, May paninindigan
Na ang tanging hangad, Magsilbi sa bayan
Nasabing samahan, Ngayo’y matatag na
At mayrong binuong, Mga plataporma
Isang karangalang, Dapat ideklara
Sa mga susunod, Dapat ipamana
Sa araw na ito, Ng kababaihan
Ang mga babae’y, Dapat na magdiwang
Ito’y isang dilat, Na katotohanan
Na tayo’y bahagi, Ng ating lipunan.
ni: Letty M. Manalo