Kabilang sa mga tinatawag na ‘iregular‘ na migrante ang libu-libong mga colf at caregivers na nag-aalaga ng mga matatanda sa Italya na undocumented. Confcooperativa: «Sitwasyon na kailangang ayusin sa lalong madaling panahon»
“Magtatrabaho kami upang maging epektibo ang pamamaraan ng deportasyon,” pangako ni Prime Minister Giuseppe Conte, sa kanyang pagsasalita sa Senado sa araw ng vote of confidence sa bagong gobyerno.
Ang pagpapatalsik o deportasyon o expulsion ng mga hindi regular o undocumented sa Italya ay isa sa mga pangunahing puntos na nilalaman ng contratto di governo na pirmado ng Lega Nord at Movimento 5 Stelle at patuloy na inuulit-ulit ng bagong Interior Minister Matteo Salvini.
Tinatayang aabot sa humigit kumulang na 500,000 ang mga undocumented na dayuhan sa bansa, at 100,000 ng bilang na nabanggit ay pawang mga colf at caregivers o mga taong araw-araw ay nangangalaga sa mga tahanan at mga magulang o anak at mga mahal sa buhay ng mga pamilyang italyano.
Ayon kay Sergio Pasquinelli, vice director ng Osservatorio nazionale sulle politiche sociali Welforum.it, sa mga huling taon ang bilang ng mga colf o domestic workers na undocumented ay bumaba ngunit, ayon dito ay nananatili ang malaking bilang pa rin ang walang angkop na dokumentasyon para manatili ng legal sa bansa.
“Ang mga caregivers ay tinatayang aabot sa 850,000 at 70,000-80,000 ng bilang na ito ay walang permit to stay. Ito ay hindi nila kasalanan bagkus ay dahil sa pagkakait ng batas upang sila ay maging regular”.
Bukod dito, ay mayroon ding mga colf na undocumented na tinatayang aabot sa 20,000.
At ang 100,000 na bilang nila ay kabilang sa 500,000 na dapat patalsikin mula sa bansa.
Matatandaang ayon sa mga unang bali-balita, ang mga asylum seeker at refugees na dumadagsa lamang sa karagatan ang mga posibleng patalsikin.
Ngunit sa mga nagiging pangyayari, sa mass deportation ay kabilang din ang mga dayuhang naninirahan na sa Italya ng taon na, at karamihan sa kanila ay nasa sektor ng construction at service to person.
Sa kabuuan, ang bilang ng mga home caregivers ay higit na mataas. At kung totoo na ang mga caregivers na walang permit to stay ay nagta-trabaho naman, sila ay walang regular na employment contract, “sa puntong ito ay masasabing ang bilang mga ghost worker ay maaaring umabot sa isang milyon ‘in nero’”, ayon kay Stefano Granata, ang bagong president ng Confcooperative Federsolidarietà.
Dagdag pa nito, ang mga colf at caregivers ay kumakatawan umano bilang mga ‘life saver’ ng mga pamilyang nangangailangan ng tulong ngunit isa ring social illness na dapat patawan ng angkop na kagamutan.
Ano ang plano ng bagong ehekutibo? Sila kaya ay pababalikin lahat sa kanilang mga countries of origin o tulad sa nakaraan, sa pamumuno ni Berlusconi ay nagbabalak na rin para sa isang sanatoria?
PGA