Arestado sa isinagawang extraordinary anti-drugs operation sa Modena ang isang Pinoy na nagbebenta umano ng bawal na gamot sa may istasyon ng tren sa nasabing siyudad. Nakuhanan ang suspek ng methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na ‘shabu’ na nakatago sa isang kaha ng sigarilyo.
Ayon sa awtoridad, nakagawian na nilang magsagawa ng espesyal na operasyon laban sa droga kapag sasapit ang mga malalaking kapistahan, tulad ng pista ng ferragostong ika-15 ng agosto kada taon para paigtingin ang seguridad ng mga mamamayan at ng mga turista.
Sa inisyatibang nabanggit ay nakipagtulungan din ang Reparto Prevenzione Crimineng Reggio Emilia at ang isang special team ng Bologna na may mga trained dogs laban sa mga iligal na droga.
Nakatutok ang kanilang atensyon sa mga lugar na malimit na ginagawang ‘business district’ ng ipinagbabawal na gamot sa Modena kagaya ng Tempio at Stazione Ferroviaria, Novi Sad park at ang mga kilalang lugar na tambayan ng mga tulak kagaya ng viale Gramsci at via Canaletto Sud.
Kahina-hinala ang galaw ng isang 32 taong gulang na pinoy habang ito ay nakaistambay sa may istasyon ng treno ng Modena, bagay na nakatawag ng pansin ng mga awtoridad. Sa tulong ng trained dog ng unità cinofile ay agad na natukoy ng mga ito ang ipinagbabawal na gamot na dala ng Pinoy. Nakuha sa kanya ang 10,8 gramong shabu na maingat na ibinalot sa isang kaha ng sigarilyo at pinaghihinalaang nakahanda ng ipamahagi sa kanyang mga kliyente.
Habang inaalam ng pulisya kung may mga kasabwat pa ang suspek, mahaharap ito sa kasong paglabag sa batas laban sa ipinagbabawal na gamot at mahahatulan ng agarang deportasyon. Lubos na umaasa ang mga awtoridad na sa lalong madaling panahon ay mahuhuli nila ang mga malalaking taong nasa likod ng pagkalat ng shabu sa bansang Italya.
Quintin Kentz Cavite Jr