in

UP SINGING AMBASSADORS, Ipinagmamalaki ng Pilipinas

Muling nagbalik sa Italya ang tanyag na University of the Philippines Singing Ambassadors o UPSA at nagbigay na naman ng karangalan sa bansang Pilipinas nang sila ang tanghaling kampeon sa ika-66 Concorso Polifinico Internazionale “Guido D’ Arezzo”, isang kompetisyon ng mga koro dito sa Italya na ginanap noong ika-23 hanggang 25 ng Agosto, 2018.

Bukod pa sa pinakamataas na karangalang ito, ang grupo din ang nagkamit ng unang karangalan sa mga kategoryang Compulsory, Sacred Music, Secular Music at Monographic.  Ang pagkapanalo nila ay nagbigay din sa kanila ng pagkakataong makasali sa susunod na taon sa European Choral Grand Prix.

Una pa dito, noong Hulyo 4-8, 2018 , ay lumahok din sila sa SING! Berlin International Choir Competition sa Germany at sila ang napili ring kampeon. Naipanalo din nila ang kategoriyang Sacred Music and Mixed Choir. Kabilang dito ang mga korong mula sa Amerika, Germany at Sweden.

Kamakailan, bago pa sila nagtungo sa kompetisyon ng “Guido D’ Arezzo”, isang linggo silang lumagi sa siyudad ng Bologna kung saan ay dalawang beses silang nagtanghal. Una ay sa Chiesa di San Bartolomeo e Gaetano noong ika-10 ng Agosto, 2018, kung saan ay bahagi ito ng proyekto ng CANTA BO at pinamahalaan ng AERCO o Associazione Emiliano-Romagnola Cori sa pangunguna ng president nila na si Andrea Angelini, at sa direksiyon nila Daniele Venturi at Matteo Giuliani. Ang namahala naman sa kanilang pamamalagi sa Bologna ay si Damaris Taldo, na miyembro din nila at kasalukuyan namang tagapagturo sa koro ng grupo ng El  Shaddai-Bologna. Ang ikalawang pagtatanghal ay noong ika-17 ng Agosto, 2018 sa simbahan naman ng Santa Maria Regina dei Cieli na dinaluhan ng mas nakararaming mga kababayan, pati na mga Italyanong kanilang mga tagahanga at duon na rin sila nagpasalamat sa mga nagsidalo at nagbigay-tulong para sa miyembro nilang pumanaw habang sila ay nasa Germany at nagtatanghal, si G. Rafael Isberto. Pasasalamat din nila lalo na rin sa mga pamilyang kumupkop at tumulong sa kanilang pamamalagi sa Bologna, partikular na ang mga miyembro ng El Shaddai Bologna Cell Group.

Paano nga ba nagsimula ang UP Singing Ambassadors?

Ayon sa pakikipanayam sa kanila, nagsimula lamang sila sa maliit na grupo noong 1980’s sa Kalayaan Residence Hall ng University of the Philippines sa Diliman, Quezon City. At pagkaraan noon ay nagsimula na silang ma-organisa at nabuo sa isang malaking grupo na kinabibilangan na ng apatnapung(40) mang-aawit at higit pa magkaminsan kapag nakakasali muli ang mga alumni nito. Ang kanilang maestro o direktor ay si G. EDGARDO LUMBERA MAGUIAT. Kabilang sa kanilang mga natamong karangalan ay limang (5) grand prizes, dalawampu’t tatlong (23) unang karangalan at iba pang mga karangalan sa iba-ibang kategorya sa dalawampu’t isang (21) mga kompetisyong internasyonal sa Italia, France, Hungary, Germany , Spain, Belgium, Poland, Czech Republic, Slovakia, Bulgary, Holland, Wales at Switzerland. Nakamit na rin nila noon ang pinakamataas na karangalan na nakuha ng taga-Asya sa 2001 “Guido D’ Arezzo”. Pati na rin ang pagiging finalist sa “Gran Premio d’Europa (EGP) taong 2002. Pinagkalooban na rin sila ng karangalang “Ani ng Dangal” mula sa National Commission on Culture and the Arts (NCCA) dahil sa mga karangalang naibigay nila sa Pilipinas mula sa mga taong 2009 hanggang 2012. Nakarating na sila sa iba’t ibang bansa sa Asya, Australia, United Arab Emirates, Africa at Amerika.

Binubuo sila ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang kolehiyo ng Unibersidad ng Pilipinas, at sumasama pa rin ang mga alumni nito sa kanilang mga pagtatanghal. Ibinabahagi ng UPSA ang kulturang Pilipino sa pamamagitang ng mga awitin at sayaw, mga kasuotan at maging ang tradisyong Pilipino. Hindi lamang sa pag-awit para sa kompetisyon, nagtatanghal din sila para sa mga sibikong gawain gaya ng pagtulong sa mga maysakit ng kanser na nasa Philippine General Hospital, mga ampunan para sa matatanda at mga bata, sa mga biktima ng kalamidad at iba pang nangailangan ng kanilang serbisyo.

Tunay ngang maipagmamalaki ang UP SINGING AMBASSADORS, dahil sa pamamagitan ng kanilang awitin at mga pagtatanghal, nailalapit nila ang mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo at napapatunayan nila na ang musika ay isang daan ng pakikipag-ugnayan at pakikipag-kapwa.

 

                                                                                                                               Dittz Centeno-De Jesus

                                                                                                                                                            larawan mula: Gyndee PhotosUPSA Photo Files

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Budol-budol: Hipnotismo ba o matatamis na pananalita lamang?

Tax refund o rimborso 730, kailan matatanggap ng mga colf?