Dinala sa Sant’Orsola hospital matapos umatake at naging mapanganib ng dalawang magkasunod na araw sa Bologna ang isang 27 anyos na Pinoy na napatunayang mayroong mental problem.
Ayon sa unang report, bandang alas 10 ng gabi noong nakaraang linggo, Sept 23, sa via Petroni, matapos maghubad ng pantaas na damit ay naghagis ng mga bote ang Pinoy na nakasakit sa 2 lalaki. Isang 35 anyos mula Pescara at isang 25 anyos mula Bologna ang nasugatan ng mga bubog nito.
Ang ikatlong lalaki naman matapos sundan ng Pinoy ay tinakot pa ng may hawak na bote at pagkatapos ay ihinagis muli ang bote na nakabasag sa bintana ng nakaparadang kotse.
Tumawag ang 3 lalaki ng pulis na kasalukuyan namang nasa via Verdi at sinampahan ng kaso ang Pinoy.
Ngunit ang pagiging agresibo ng Pinoy ay hindi natapos dito.
Makalipas ang isang araw, bandang ala una ng tanghali noong lunes, Sept 24, sa parehong kalsada ay muling nagbalik ang Pinoy. Bukod sa paghahagis ng bato sa mga tao ay nanakit rin ito gamit ang isang matulis at metal na bagay. Isang 21 anyos ang nasugatan sa binti at braso na binigyan ng 10 araw na recovery.
Sa ikalawang pagkakataon ay muling inireport ang Pinoy sa awtoridad at natagpuan ito malapit sa piazza Aldrovandi habang tumatakas dala ang isang bag na naglalaman ng mga bato.
Ang Pinoy, mayroong regular na permit to stay, ay dinala sa Sant’Orsola hospital matapos masuri ng isang psychiatrist.