Malapit na ang halalan 2019. Ito ay kung hindi magkakaroon ng drastikong pagbabago sa Saligang Batas ng Pilipinas. Anoman ang mangyari, sa ngayon, nagkakagulo sa Social Media, mga Billboards, tarpaulin, parapernalya ng mga naghahangad makakuha ng pwesto sa Senado, Kongreso at sa lokal na ehekutibo ang kani-kanilang propaganda.
Ang kabalintunaan, pagkatapos ng halalan andiyan na ang sisihan at singilan sa pangako na nilaman ng plataporma di gobyerno ng mga partido at mga indibidwal na kandidato. Gayong kung susuriin, makalipas ng apatnapung taon (40 years) ,iyon at iyon din ang pangalan na ibinoboto.
Sila-sila din ang nakaka-kopo ng pwesto. Iisang apilyido, isang angkan na nagpapapalit-palit lang ng partido at pangalan nito. At sa huli, nagpapalitan lamang ng posisyon na tatakbuhan at sa pinakamasama , naglalaban-laban maging magpapamilya. May ilan na uugod-ugod na ay gusto pa rin kumandidato.
Kontra droga, kontra Korapsyon at tutol sa Dinastiya.
Pansinin natin. Bago man o luma ang plataporma, laman ang 3 suliranin na ito.
Lahat na ay nagsabi na wawakasan ang problema sa droga. Lahat din naman ay nabigo. Sa halip na mabawasan, naging sistematiko, moderno, malawak at malalim ang impluwensya ng mga sindikato. Lumitaw pa nga ang mga narco-politicians na nakapasok mismo sa lehislatibo at ehekutibong posisyon sa pamahalaan. Samakatwid, buladas lamang ang lahat. Kinuha lamang ang boto ng mamamayan. Sa huli ay ipinagkanulo ito.
Gayundin ang korapsyon. Epektibong islogan pa rin para makakuha ng boto. Kahit pa, iilan lamang ang naikulong. Marami ang pinawalang-sala. Halos lahat na yata ng rehimen ay sangkot sa korapsyon. Makikita ito mula sa pag-apruba sa budget, bidding sa mga kontrata, gawaran ng kontrata, padulas, lagay, at kung ano-ano pang terminolohiya. Sa halos lahat ng sangay ng pamahalaan. Alam ng lahat. Subalit halos mga maliit lamang ang kayang papanagutin. Ang iba ay inililipat lamang ng pwesto. Sabi nga ng marami – magkaiba ang magnanakaw sa politiko. Ang politiko tatakbo pagkatapos ay magnanakaw.
Dinastiya. Andiyan ang mga sikat na angkan. Mula sa Estrada, Binay, Cayetano, Duterte, Marcos, Paquiao, Dy at marami pang di umano ay kaisa sa laban sa pamamayani ng iisang angkan. Subalit sila mismo ang mahigpit na nagtataguyod. Nakakapagtaka nga na hindi man lamang nangangatal ang bibig habang nangangampanya. Pero mas nakakapag-isip at nakakabaliw na ibinoboto pa rin ang inaayawan na sistema.
May totoo pa bang makabayan? May tunay pa bang makamasa?
Sa ngayon, ala-ala na lamang ang mga katulad ni Pepe Diokno, Wigberto Tanada, Claro Recto na kasarinlan at patriotismo ang ipinamamayani. Nangingibabaw sa kanilang mga panawagan na dapat ipang-una ang interes ng bayan at mamamayan, nagtataguyod at nagpapalaganap na maging mapagbantay sa anumang yaman na ipinagkaloob ng Dios. Nang sa gayon ay mahango sa kahirapan at magmartsa sa kasaganaan, kasiyahan at dignidad.
Sa kasalukuyan, napakadali na bagang hayaan manghimasok ang dayuhan sa bansa. Makialam sa politika at internal na pamamalakad ng pamahalaan. Agawin ang ating mga pag-aari. Patagin ang mga kabundukan at iuwi sa kanilang bayan ang mga ginto, pilak at mga mineral na mayroon ang lupa. Maluwag na nakakapagpasa ng batas na tuluyan nagsasantabi sa patrimonya ng bansa. Nagkukubli sa mga salitang banyaga tulad ng Joint Exploration, Business Partnership, Built Operate and Transfer, Financial Aid na pawang Portfolio Investment na pumapabor lamang sa iisang panig at batbat ng patong-patong na interes. Nagdudulot ng pagkawasak ng ekonomiya at kalikasan. Tahasang inaabandona ang tungkulin protektahan ang sambayanang Pilipino at kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
Sa halalan 2019, mabibilang mo sa daliri ang nagbabandila ng Independent Foreign Policy, Moratorium to Foreign Debt, Genuine Land Reform and Cooperative Farming at Nationalist Industrialization na ang tutunguhan ay ang ekonomiyang nakasasapat sa pangangailangan ng bansa at di nakadepende sa dayuhang kapital.
Marami ang naniniwala na sagana sa likas yaman at likas tao ang Pilipinas. Laman ito ng ating mga textbook. Mula elementarya hanggang kolehiyo. Ang tanong sino ang nagmamay-ari at kumukontrol nito? Bakit ilang dekada na, ilang eleksyon na ang nagdaan – sa mga survey lamang nakikita ang pag-unlad at hindi nararamdaman sa hapag kainan o pamumuhay ng karaniwang tao?
Halalan 2019 – isang Sarswela?
Sari-sari store na maituturing ang eleksyon. Dating artista naging Presidente. Boksingero nanalong Senador. Kristo sa sabungan naupong Kongressman. TV host at komedyante Senate President na. May kaso ng korapsyon, panggagahasa, sangkot sa sindikato ng droga , mamamatay tao at kung ano-ano pa, pinahihintulutan na makakuha ng pwesto sa gobyerno. Nakakatakbo pa kahit nasa loob ng piitan.
Pinagtatawanan, kinukutya, minamaliit subalit nananalo. Ang nakakatawa, iniendorso ng mga kapwa kawatan. Ngayong panahon – basta sikat pwede ng kumandidato. Kahit walang malinaw na plataporma. Kahit di unawa ang salitang paglilingkod. Kahit pokpok, kahit druglord, religious leader, gang leader, DJ, radio commentator, dating bilango, mutineer at kung ano-ano pang niluwal ng dekadenteng sistema. Walang ng malinaw na pamantayan na ipinapatupad. O sinusunod ang marami.
Sa tikmaan ng mga kandidato , hindi na pinag-uusapan ang karapatang pantao. Sahod. Lupa sa mahihirap at pabahay. Patriotismo. Paggalang sa kababaihan. Karapatan ng Pambansang Minorya. Makabayang Edukasyon. Siyentipikong pag-unlad ng bansa. Wala ni kahit pabalat bunga. Pagalingan na lamang ng pambobola. Pahusayan ng PR firm na makukuha para manalo. Nangingibabaw pa rin ang sistema ng mga trapo.
Sa Huli ang pagsisisi.
Kapalit ng perang ninakaw sa kaban ng bayan, nawala na ang prinsipyo. Dahil endorso ng Presidente, ni Kumare at Kumpare nalimutan na ang pagiging kritikal at matalino. O kaya, nalinlang ng pangako na kontra droga, kontra korapsyon at tutol sa dinastiya. Hindi sinuri ang tunay na background ng kandidato at plataporma nito.Dahil sinabi ni Obispo, Pastor, Diakono o kung sino-sino pang lider ng samahan o relihiyon, na sa totoo ay alam din naman natin na ibinenta ang iyong karapatan. Kapalit ng pabor at pera. Boto lang ng boto. Sa huli na lamang magrereklamo.
Handa ka bang manindigan?
Kaya dapat labanan ang kamangmangan. Igiit ang integridad ng iyong boto. Huwag ipagbili. Huwag ipagamit o ipaubaya sa iba. Maging matalino. Maging makabayan. Higit sa lahat, pag-aralan ang plataporma na nilalako at bakgrawn ng isang kandidato.
Ibarra Banaag