Mula Manoppello Pescara ay permanenteng inilagak ang Veil of the Holy Face of Jesus sa Nampicuan Nueva Ecija noong 2014 at pinaniniwalaang naghimala sa isang bata.
Likas na sa ating mga Pilipino ang pagiging relihiyoso. Bagamat minsan ay hindi magkatugma ang mga paniniwala ay isang bagay ang hindi maikakaila ng lahat: ang pagkakaroon ng iisang Diyos na Maylikha ng lahat at nagmamay-ari ng ating buhay.
Kamakailan lamang ay naging isang mahalagang usapin sa dalawang magkabilang panig ng mundo, Pilipinas at Italya, ang umano’y himalang nangyari sa isang bata sa bayan ng Nampicuan, Nueva Ecija. Nailathala din ang isang artikulo sa isang pahayagan sa Italya na naglalaman ng kuwento tungkol sa isang batang nabigyan ng grasya ng Banal na mukha ni Hesus. Sa Manoppello, Pescara, kung saan matatagpuan ang original na “Volto Santo”, umani ng maraming “likes” ang facebook page ng Volto Santo di Manoppello matapos lumabas ang balita tungkol sa batang bigla umanong gumaling matapos na humingi ng intervention at pagdadasal sa Holy Face of Jesus sa Nampicuan church.
Halos maglilimang taon na ang nakakalipas mula ng dalhin ang replica ng Holy Face of Jesus sa Nampicuan mula sa kanyang “bahay” sa Manoppello, Italy. Ayon sa mga debotos, ang pagkakadala ng Banal na Mukha ni Hesus sa kanilang lugar ay lalong nagpalakas ng kanilang paniniwala sa Diyos.
Taong 2014 ng permanenteng ilagak ang Veil of the Holy Face of Jesus sa Nampicuan. Ang banal na mukhan ni hesus na nakamarka sa isang 17cm x 24cm na tela na kasing laki ng panyo ay pinaniniwalaang ng mga katoliko na nakapatong sa mukha ni Cristo nang siya ay mabuhay na muli makaraan ang tatlong araw na pagkamatay sa krus. Batay sa mahabang panahon na pagsusuri at pagaaral ng mga eksperto ay napatunayan na tunay o awtentiko ang nasabing panyo. Pinaglapat ang Holy Shroud of Turin at ang Holy face of Jesus at ang dalawang imahen ay magkatugma ang pagkakaimprenta ng mukha ni Hesus, imposible din daw umano na masulatan ng kahit na anong tinta ang tela at ang pangatlong patunay ay perpektong nakamarka ang mukha ni Hesus sa harap at sa likod ng tela.
Ang imahen ng mukha ay makikita sa harap at sa likod ng tela ngunit pag natamaan ng liwanag ay halos nagiging invisible ito. Ayon sa mga pinakamagagaling na mga scientists sa kanilang isinagawang kumplikado at maingat na test gamit ang ultraviolet rays, wala umanong lumabas na kahit na anong tinta kung kaya’t tinawag nila itong “acheiropoietos”, ibig sabihin hindi gawa ng kamay ng tao.
Sa solemn concelebrated mass ng paglagak ng Banal na mukha ay dumalo sina Bishop Mallari ng Nueva Ecija , Archbishop Florentino Lavarias ng Pampanga at Bishop Florentino Cinense ng Tarlac. Ang sagradong pagdiriwang ay pinangunahan nina Fr. Hanz Christian Magtalas na siyang kura paroko ng Immaculate Concepcion Parish at ni Fr. Carmine Cucinelli, Rector ng Basilica of the Holy Face of Manoppello na siyang nagdala ng replica ng Holy Face mula sa Manoppello, Italy.
Ang sa ngayon ay apat na taong gulang na batang babae ay nadiagnose na may malubhang sakit sa liver o atay. Ayon sa mga specialists, ang sakit na ito ay tinatawag na epatoblastoma, isang napakabihira at hindi pangkaraniwang tumor na ang karaniwang biktima ay mga maliliit na mga bata. Sa harap ng napakahirap na sitwasyong ito ay hindi nawalan ng pag-asa ang mga magulang ng bata. Inialay at inilapit nila ang karamdaman ng kanilang anak sa Diyos sa pamamagitan ng taimtim na pagdarasal at paghingi ng himala sa Banal na Mukha ni Hesus. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, ang bata ay biglang gumaling. Tuluyang nawala ang tumor nito sa atay, bagay na hindi kapani-paniwala maliban na lamang kung ang tao ay may malakas na pananampalataya.
Buong galak na ipinamalita ni Fr. Hanz Christian Magtalas ang malaking himalang ito ng Banal na Mukha ni Hesus sa kanyang nasasakupan. Kanyang ipinakita ang mga larawan ng bata noong ito ay maysakit pa at ngayong siya ay lubusan nang gumaling. Kumpleto rin ang mga hawak nilang medical documentations na nagpapatunay na lubusan ng magaling ang bata.
Samantala, nakarating na rin sa Pescara ang magandang balitang ito at hindi mapigilan ng mga debotong italyano ang magtanong tungkol sa grasyang natanggap ng bata.
Ang nagdala ng Banal na Mukha ni Hesus sa Nampicuan na si Fr. Carmine Cucinelli ay hindi maitago ang kasiyahang nadarama.
Nagpapasalamat ang lahat na sa gitna ng paghihirap ng kasaysayana ng mundo, ang Maykapal ay hindi nakakalimot na magparamdam ng kanyang pagmamahal at patuloy na nagbibigay ng buhay na Siyang tunay na nagmamay-ari.
Quintin Kentz Cavite Jr.