Dumating sa nasabing dyalogo sina Honorary Consul General Fabio Fanfani ng Toskana, Marco Colangelo Consigliere Comune di Firenze di Commissioini 7 Pari Opportunità e Immigrazione at si Maurizio Baldini na isang Direktor at Prodyuser ng pelikula.
Pinangunahan naman ng Confederation of Filipino Communities kasama ang OFW Watch Tuscany at mga kasaping organisasyon ng dalawang alyansa ang panig ng mga OFW.
Nilinaw ni Konsehal Marco Colangelo na bagama’t tinututulan nila ang Salvini Law, obligado itong ipatupad, “Ang Salvini Law na sinasabing pacchetto di sicurezza, la verità e pacchetto di in-sicurezza para sa mga dayuhan”. Sinabi rin ng Konsehal na, inalis ng estado ang pondo para pagkanlungan (rifugio) ng mga migrante. “Ipinaubaya sa mga Munisipyo ang pangangalaga sa kanila”. Dahil sa Salvini Law, bulnerable ngayon sa abuso at pagsasamantala ang mga migrante.”Sa totoo lang, napakaliit ng bilang ng gumagawa ng masama mula sa hanay ng mga migrante”, dagdag pa ni G. Colangelo.
Tinalakay din ang Decreto Fiscale (Money Transfer), decreto n.119/2018 na inaprubahan nitong nakaraang 18 ng Disyembre 2018. Mas kilala na 1.5% buwis sa remittance. Saklaw nito ang mga bansang hindi bahagi ng European Union. Tinataya na sa humigit kumulang na 200 libong OFW pa lamang ay maari ng makapagpasok ng 60 milyong euro sa kaban ng Italya.
Batay ito sa datos na inilabas ng Banca d’Italia na batay pa lamang sa unang kwarto ng taong 2018, umabot na sa 118,786 milyong euro ang naipadala sa Pilipinas.
Mahigpit naman tinutulan agad ito ng iba’t-ibang komunidad ng mga mangagawa. Umaray ang mga Bangladeshi, Indiani at ang komunidad ng Pilipino. Tinawag itong dobleng pagbubuwis. “Hindi pa ba sapat ang taunang buwis (dichiarazioni 730) na ibinabayad ng mga OFW at kailangan pa rin buwisan ang ipinapadalang pera sa ating mga pamilya sa Pilipinas”?, pahayag ni Rey Reyes, tagapangulo ng OFW Watch Tuscany.
Sinabi naman ni Dr. Fabio Fanfani na “mas tama kung ang mga lehitimong negosyante ang buwisan at hindi ang mga indibidwal na mangagawa na tanging ang inaasahan ay ang buwanan na sahod”.
Kaugnay naman ng balitang “sinuspindi” ang Decreto Fiscale o ang 1.5% buwis para sa remitans, sinabi ng mga panauhin na imposible na ikansela ng basta-basta dahil bahagi mismo ito ng pachetto di sucurezza. Hinihintay lamang ang 60 araw mula Disyembre 13,2019 hanggang sa mapagtibay ang panuntunan ng gagawin paniningil ng Gobyerno ng Italya. Hindi naman nasagot bakit ang ibang kompanya ay hindi naniningil ng nasabing buwis.
Napagkasunduan batay sa mungkahi ng pangulo ng Confederation na si Divinia Capalad na dapat magkaroon ng malakihang dyalogo para makapagbuo ng resolusyon ang Lungsod ng Firenze kasama ang iba pang lahi/migrante sa Toskana. Kaagad itong sinag-ayunan ni Konsehal Marco Colangelo at nangako na mag-oorganisa ng dayalogo kasama ang Questura, Prefetura at kung kakayanin maging si Mayor Nardela ng Firenze.
Nagbahagi din si Ginoong Maurizio Baldini hinggil sa matagumpay na Film Festival ng mga pelikulang Pilipino na ginanap sa Firenze ng nagdaang taon. Nagkaroon din ng pagpapahayag ng pagtutol sa Salvini Law at Decreto Fiscale ang mga lider sa pamamagitan ng mga plakards na naglalaman ng mga “1.5% buwis sa remitans – Itigil , mga Migrante, hindi gatasang baka, Salvini Law , hindi makatao, kontra-migrante”
Ibarra Banaag