Ano ba ang isang magandang paraan para mahikayat ang mga OFW’s na mag-ipon para sa kanilang kinabukasan, kasabay rin ng pagtulong sa kapwa?
Ito ang layunin ng idinaos na forum sa Bologna nitong ika-2 ng Marso, 2019, na ginanap sa Centro Interculturale Zonarelli. Ito ay magkatuwang na pinamahalaan ng Federation of Filipino Associations ng Bologna o FEDFAB at Filipino Women’s League sa pamumuno nila Virgilio Cesario at Mercedita De Jesus.
Sa pamamahala ng POLO-OWWA ng Konsulato ng Milan, ay idinaos ang forum kasama si SIR VINCE RAPISURA bilang tagapagsalita. Si Sir Vince ay nagmula pa sa Pilipinas, isa siyang lecturer ng microfinance at social entrepreneurship sa Ateneo de Manila University, nagtatag ng SEDPI (Social Enterprise Development Partnerships, Inc.) na siyang naging magandang ehemplo kung paano magsimula at mapagtagumpayan ang isang investment. Nakarating na sìya sa mga bansang India, Israel, Myanmar, Luxembourg, Netherlands, Thailand, Spain, at Vietnam, upang ibahagi ang mga kaalaman niya sa financial literacy at investment. Ang mga kurso at mga diskusyon na kanyang ibinabahagi ay malaking tulong para sa mga kababayan nating nasa ibang bansa upang matuto silang magtabi para sa kanilang pamilya at kinabukasan.
Pagkatapos ng kanyang presentasyon ay isang open forum kung saan ay malayang nakapagtanong ang mga partisipante ukol sa mga paraan ng pagpaplano, pag-iimpok at pagbabahagi sa iba. Naging produktibo ang hapong ito ng Sabado para sa mga kababayang nais magsimula pero hindi alam kung paano at para din sa iba na may mga pundar na at kailangan pa ring matulungan para mamintina ang kanilang kabuhayan. Mayroon ding librong pinamahagi sa mababang halaga, para siyang maging gabay sa money management.
Kasunod nito ay isang biglaang bahagi ng programa kung saan ay nahilingan si OWWA Welfare Officer Jocelyn Hapal na pumagitna upang mabigyan ng sertipikato ng pagpapahalaga bilang natatanging tagapaglingkod sa kapakanan ng mga OFW at pamilya . Ito ay bahagi ng selebrasyon na rin ng Buwan ng Kababaihan, siya bilang laging masipag na tagapagtaguyod ng mga programa at serbisyo para sa mga maysakit, may kapansanan, may legal na suliranin, naka-detenido at mga namatay na kababayan. Ang sertipikato at bulaklak ng mimosa na simbolo ng Araw ng Kababaihan dito sa Italya, ay inihandog ng pangulo ng FEDFAB at FWL, mula sa komunidad ng mga Pilipino sa Bologna.
Dittz Centeno-De Jesus