Idinaos ang FilCom Conference sa Bologna sa pangunguna ng Centro Integrazione e Servizio Immigrazione at Federation of Filipino Associations of Bologna (FEDFAB).
Nitong nakaraang ika -16 ng Pebrero, 2019, ay idinaos ang isang kumperensiya na ginanap sa Benedict School na dinaluhan ng mga lider ng mga organisasyon sa lungsod ng Bologna. Ito ay magkatulong na itinaguyod ng Centro Integrazione e Servizio Immigrazione na pinamumunuan ni Lioba Fe Gangaoen at ni Virgilio Cesario ng Federation of Filipino Associations of Bologna (FEDFAB).
Naging panauhing tagapagsalita sina Consul Mersole Mellejor, ng Milan PCG at Mr. Hilario Gracia ng POLO/OWWA. Dito ay pinahayag ni Consul Mellejor ang mga naging programa at aktibidad ng Konsulato noong nakaraang taon ng 2018. Binanggit din niya ang mga kasalukuyang mga pagbabago sa mga polisiya ng Konsulado hinggil sa passport renewal, iskedyul ng mobile consular service sa mga nasasakupang siyudad, ang pagbubukas ng serbisyo sa Milan Consulate ng anim na beses sa araw ng Linggo, pati na rin ang gaganaping Overseas Absentee voting sa buwan ng Abril At Mayo. Si Mr. Hilario Gracia naman ang nagpahayag ng mga programa ng POLO/OWWA, at ang pagpapaliwanag ukol sa ma madaling rekisitos sa renewal at application ng OWWA membership, maging para sa mga retirado na, di regular na trabaho o walang kaukulang dokumento.
Sa panig naman ng gobyernong Italya, dumating naman mula a Questura sina Michele Moretti, Aldo Battisti at Massimo Manciuria. Ipinahayag nila ang mga pagbabago sa Batas Migrasyon ng Italya na makakaapekto sa mga OFW’s, maging ang ukol sa aplikasyon sa political asylum at ang pamamaraan sa pagkuha ng prenotasyon at iskedyul sa Questura gamit ang website nila sa internet.
Naging makabuluhan para sa mga lider ang kumperensiya dahil ito ay direkta nilang narinig mula sa mga tagapagsalita ng Konsulato ng Milan at Questura ng Bologna. Ang mga impormasyon ay kanila nang maibabahagi sa kani-kanilang mga organisasyon.
Dittz Centeno-De Jesus