Sa isang ramdom control, ako ay hinanapan ng mga pulis ng orihinal na permit to stay dahil kopya lamang ang aking dala sa pag-aalalang ito ay mawala. Ako ay binalaang sa susunod na hindi ko dala ang aking original na permit to stay ay papatawan ako ng multa. Ito po ba ay totoo?
Ang mga non-EU nationals, kabilang ang mga Pilipino ay obligadong magpakita ng balidong dokumento at permit to stay matapos hingan nito ng mga opisyal ng Public Security.
Anuman ang dahilan ng pananatili ng mga Pilipino sa Italya: trabaho, pag-aaral o bakasyon man, ay obligadong palaging dala ang isang identification card na maipapakita sa awtoridad sakaling makontrol ng mga ito.
Sa katunayan, kung ang isang turista ay mako-kontrol ng awtoridad at tatangging ipakita ang kanyang pasaporte ay maaaring patawan ng multa.
Sa kasong walang dalang dokumento ang Pilipino o sakaling kopya lamang o xerox copy ang dala at magkaroon ng anumang pag-aalinlangan ang awtoridad ukol sa tunay na identidad, ang Pinoy ay maaaring sumailalim sa fingerprinting ayon sa batas.
Tandaan na maaaring patawan ng penal sanctions ang hindi pagpapakita ng balidong dokumento at permit to stay. Matatandaang ang Cassazione taong 2008 ay nagtalaga ng mga prinsipyo ukol sa kung anong krimen ang ipapataw sa hindi pagpapakita ng pasaporte (o anumang dokumento) at ng permit to stay na nakalaan lamang para sa mga regular na dayuhan na naninirahan sa bansa.
Ang krimen na ipapataw ay nasasaad sa artikulo 651 ng penal code ay nagbibigay parusa sa tatangging magbigay ng mga personal na impormasyon habang ang hindi pagpapakita ng dokumento ay nasasaad naman sa artikulo 4 talata 2 at talata 294 ng TULPS.
Habang ang krimen na ipapataw sa mga dayuhan ay nasasaad naman sa artikulo 6 ng Testo Unico Immigrazione. Nasasaad na ang dayuhan, sa kahilingan ng mga opisyal ng Public Security, at hindi sumunod sa utos na magpakita ng pasaporte at ng permit to stay o anumang dokumento na magpapatunay ng regular na paninirahan sa Italya ay pinaparusahan ng pagkakakulong hanggang isang taon at multa na nagkakahalaga hanggang € 2,000.00.
Gayunpaman, mayroong standard procedure ang pagsusuri. Kung turista, ang mga awtoridad ay kailangang suriin kung balido ang pasaporte, kung regular ang entry visa at ang timbro ng port of entry.
O kung dayuhang regular naman sa bansa ay kailangang suriin ang mga sumusunod:
- Balidong permit to stay o
- Cedolino o ricevuta postale kung nasa renewal ang permit to stay
Matapos ang mga pagsusuri at mapatunayan ang kawalan ng mga nabanggit sa itaas ay ituturing na clandestino ang dayuhan ng walang regular na entry visa o walang anumang ID at irregular naman ang mga walang balidong permit to stay (expired o hindi nai-renew).