Inaresto kaninang umaga ng Squadra Mobile di Roma sa sona ng Monteverde, Roma ang isang wanted na Pinoy na kinilalang si C.R.. Ang inaresto ay nabigyan na umano ng order ng Regional Trial Court ng Lemery, Batangas noong nakaraang taon na hindi nito maaaring lisanin ang bansa habang hindi natatapos ang kaso at lumalabas ang sentensya, kautusang malinaw na hindi nirespeto ng suspek. Dahil sa kanyang “pagkawala”, nagpalabas ng warrant of arrest ang mga awtoridad sa Batangas.
Ang nasabing pinoy ay pinaghahanap sa salang pagpatay kay Orlando Martinez Hernandez . Ayon sa detalyadong report ng mga awtoridad, araw ng ika-21 ng hulyo 2018 nang pagbabarilin umano ng suspek sa ulo at sa dibdib ang biktima sa Barangay Palanas, sa Lemery Batangas, kasama rin ang dalawang pang kasabwat nito. Ang madugong eksena ang naging dahilang upang bawian ng buhay ang biktima.
Bagamat inabot ng halos isang taon ang paghahanap sa wanted na suspek, hindi rin umano nahirapan ang mga kapulisan ng italya na matunton ang pinoy dahil sa pakikipagtulungan ng mga eksperto na nangangalaga sa Italian National Security.
Sa pakikipagtulungan ng kanilang mga Intelligence Agents na nakatalaga sa Thailand, nakakatanggap ang mga ito ng mga mahahalagang impormasyon patungkol sa nagtatagong murder suspect sa Roma. Hindi muna nila ito hinuli at nagsagawa muna ng isang masusing imbestigasyon at surveillance.
Sa kanilang pagmamatyag ay mas lalong nasigurado ng mga ito ang identity ng suspek na nakatira sa isang apartment sa Monteverde kasama ang mga kamag-anak nito. Ang suspek ay walang maipakitang balidong dokumento ngunit kinumpirma nito na siya nga si C.R. na tubong Batangas City. Medyo may pagkakaiba ang mukha nito sa police sketch na hawak ng mga alagad ng batas. Ngunit ang kaunting duda na ito ay nawala nang makita ng mga pulis ang mga kuhang pictures ng suspek na naka-save sa cellphone nito.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga larawan na hawak nila sa ngayon ay nagpapatunay na ang suspek ay nagpa-opera ng mukha upang alisin ang malaking nunal nito sa kanang pisngi, na maaring maging daan upang siya ay walang hirap na makilala. Nasa custody ng mga alagad ng batas ng Roma ang suspek at ituturn-over sa mga kamay ng batas ng Pilipinas sa mga susunod na araw. Ang pagkakahuli sa suspek ay bunga ng mas pinaigting na kampanya ng kapulisan ng Italya sa pagtugis sa mga masasamang elemento na ginagawang lugar na pagtataguan ang bansang Italya.
Quintin Kentz Cavite Jr.