Isang forum ang ginanap sa Modena nitong Abril, na bahagi ng kampanya laban sa droga ng Konsulato ng Pilipinas sa Milan sa pangunguna ni Consul General Irene Susan Natividad at Consul Mersole Mellejor.
Pinamagatan itong “Droga at ang Epekto nito”. Pinahayag ni ConGen Natividad na ang hangad niya sa bawat Pilipino ay isang magandang kinabukasan na hindi nakabase sa bawal na gamot na sisira sa kalusugan ng isang tao, maging sa kanyang sariling pamilya. Kaya nga ang info seminar na katulad nito ay malaking tulong para kaharapin ang nangungunang problema sa komunidad ng mga Pilipino dito sa Italya. Kaya sa kolaborasyon ng Konsulato at ng Federazione delle Associazione Filippine di Modena (FEDAFILMO) sa pamumuno nila Greg Mendoza at Kap. Dionisio Adarlo ay idinaos ang porum na ito na magsisilbing paunang solusyon sa usaping bawal na gamot at pagtutulak nito.
Bukod kay ConGen Susan Natividad ay nagbigay din ng panimulang pagbati si Giuliana Urbelli, ang Assessore al Welfare e Coesione Sociale Comune ng Modena, na laging nakasuporta sa mga aktibidad ng FEDAFILMO at ng komunidad ng mga Pilipino. Kasama sina Dott. Ferreti Claudio ng Servizio Dipendenze Patologiche SERT AUSL Modena at Dottoressa Maria Rosa Morandi ng Centro Alcologico Distretto Modena, na tumalakay naman sa epekto ng bawal na gamot at alkohol. Ipinaliwanag nila ang mga halimbawa ng mga gamot na pag ginamit nang sobra ay may masamang epekto rin gaya ng mga droga.
Tinalakay naman ni Sig. Francesco Crudo, ang Commissario di Polizia Locale, ang nagiging resulta ng mga aksidente sa kalsada dahil sa pagmamaneho habang o pagkagamit ng bawal na gamot at labis na kalasingan. Ayon sa kanya, konti o marami, ay droga pa rin ito na mayroong epekto sa isip at katawan ng tao. Kung magmamaneho ay huwag iinom ng alak, at kung iinom ay huwag magmamaneho, upang makaiwas sa aksidente. May mga gamot din na pag ininom ay di maaaring magmaneho ang isang tao dahil sa side effect nito.
Si Ispettore Superiore Claudio Patrocci, Dirigente della Questura di Modena, ang nagtalakay naman ukol sa paggamit ng droga at ang kaugnay na legal na kahihinatnan nito. May mga isinasagawa din silang mga programa para masugpo ang mga pagtutulak ng droga, partikular na rin sa mga kababayan nating nasasangkot dito. At nakakalungkot mang isipin ay laganap din maski sa ibang mga siyudad at probinsiya ng Italya.
Binanggit din nila ang tulong na maibibigay ng Comune ng Modena para sa rehabilitasyon ng mga lulong sa gamot, maging ang mga kampanya na inilulunsad sa pagsugpo nito at pagtuturo sa komunidad kung paano ang pagkakaisa ng mga pamilya ay malaking puwersa upang makaiwas sa bisyong ito.
Matapos ang pagtalakay ay sinundan ito ng isang open forum kung saan ay malayang makapagtatanong ang mga partisipante, sa pamamagitan ni Aldren Ortega na mahusay na nagsasalin sa wikang Italyano upang malinaw na magkaunawaan ang lahat.
Ang porum ay ginanap sa Sala Palazzina Pucci, Largo Mario Alberto Pucci n. 40 sa Modena. Ito ay inaasahang mauulit sa iba pang kalapit na siyudad na sakop ng Emilia Romagna at iba pang siyudad sa ilalim ng hurisdiksiyon ng Konsulato ng Milan.
Dittz Centeno-De Jesus
larawan: Gyndee Photos