Kasama ang Knights of Rizal Rome Chapter at Firenze Chapter sa pamumuno ni Sir Auggie Cruz at Sir Dennis Reyes at mga kasamahan ay itinampok ang isang makulay na exhibit ng sampung pangunahing mga obra na nanguna sa isang Internasyunal na Patimpalak sa Pagpipinta tungkol sa naging buhay ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal sa kanyang pamamalagi sa Europa.
Ito ay sa pakikipagtulungan ni Mr. Virgilio Bayani Godoy Cuison, isang Art Impresario, Curator at Managing Director ng KUNST Gallery o (Kapatiran at Ugnayan ng Natatanging Sining at Talento), PIDA Adviser Sir Augusto Castillo Cruz at Carlos Mercado Simbillo, KGOR – tagapayo ng Knights of Rizal Italy. Makikitang naging isa sa pangunahing display ang mga nasabing obra sa entablado ng pagtatanghal.
Ipinagmalaki rin na itinanghal ng Knights of Rizal sa isang exhibit ang 7 mga kilalang mga aklat tungkol kay Dr. Jose Rizal na isinalin sa wikang Italyano ng isang kilalang Doktor at Propesor na si Vasco Caini na nauna pa noong taong 2003. Kanyang masusing isinalin ang mga natatanging aklat gaya ng dalawang edisyon ng Noli Me Tangere, El Filibusterismo atbp. Ito ay matatagpuan din sa www.rizal.it para sa mga impormasyon ng mga kanyang isinalin sa wikang Italiano.
Si Propesor Caini ay ginawaran ng Plaque of Recognition bilang pagkilala mula sa NHCP o National Historical Commission of the Philippines noong ika-150 taong kaarawan ng ating pambansang bayani. Siya ay binigyan din ng Knights of Rizal Supreme Council sa rekomendasyon ng Knights of Rizal Firenze Chapter na naigawad sa kanya sa Hotel Athena sa Siena, Italy, isang Recognition award para sa kanyang mga nagawang kontribusyon at dedikasyon para maisalin sa wikang Italyano mula sa wikang Espanyol na magiging karangalan sa mga Pilipino lalo’t higit sa mga naririto sa Italya.
Sa pakikipagtulungan ng PIDA at KOR ito ay itinampok sa Nayong Pilipino at KOR Arts section kasama ang busto ni Dr. Jose Rizal at na napapalibutan ng ating watawat ng Pilipinas katabi ang isang Rizal Monument na gawa sa tatlong paper craft na isang naging proyekto ng NCCA (National Commission for Culture and the Arts) Paper Craft Series.
Masayang nagpapakuha ng kanilang larawan ang mga bumibisita sa exhibit para sa kanilang souvenir sa masayang selebrasyon. Ayon sa mga nakibahagi ng panayam kay Sir Rob Carillo, isang kabataang miyembro ng Knights of Rizal, sulit ang kanilang mga nalaman na impormasyon tungkol sa mga nasabing exhibit. “Naging matagumpay at makabuluhan ito para sa lahat ang aming mga nasaksihan“, aniya.
Isang malaking pasasalamat, papuri at pagbati sa buong pamunuan ng PIDA gayundin sa lahat ng mga kabahagi ng pagtitipon na ito, isang pagsaludo sa inyong subok at tapat na paglilingkod sa mga Pilipino dito sa Italya.
Carlos Simbillo
larawan ni: Boss Ramos