Isang 45-anyos na Pinoy na tumakas mula sa Roma at wanted ng mga awtoridad ang nasakote ng mga carabinieri ng Cosenza Principale sa bisa ng arrest warrant mula sa GIP (Giudice per le Indagini Preliminari) ng Tribunale ng Roma.
Ayon sa ulat, ang Pinoy ay nahaharap sa kasong sexual harassment, “sequestro di persona” at personal injury na inihain ng isang 40-anyos na pilipina. Buwan ng mayo nang makatanggap ng reklamo ang mga alagad ng batas. Agaran namang nagpalabas ang husgado sa Roma ng restraining order at protective custody, bagay na hindi naisakatuparan dahil agad na tumakas ang suspek.
Ilang buwan din itong pinaghahanap hanggang sa ang judge ay magpakalat na ng ordinansa na arestuhin ang pinoy.
Sa patuloy na paghahanap ng mga carabinieri, sa pamumuno ni Maj. Renato Morrone ay natukoy ang wanted sa rehiyon ng Calabria. Agad na isinagawa ang ma masusing pagsisiyasat sa nasabing lugar at dito na nga nadiskubre ang pinagtataguan nito. Upang makatakas sa kasong isinampa laban sa kanya, ang suspek ay nagtrabaho bilang isang caregiver sa isang mayamang pamilya. Walang kamalay-malay ang pamilyang kumupkop sa huli na ang kanilang kinuhang badante ay ilang buwan nang pinaghahanap ng mga alagad ng batas.
Ang suspek ay kasalukuyang nakakulong habang ang mga awtoridad naman ay patuloy na nagsasagawa ng mga imbestigasyon upang malinawan kung may iba pang sangkot at tumulong sa ginawang pagtakas ng suspek sa mga kasong isinampa laban sa kanya. Quintin Kentz Cavite Jr.