Mainit pa ring pinaguusapan sa halos lahat ng parte ng Italya ang pagkakasangkot ng isa na namang Pilipino sa pagkakapatay sa isang tabaccaia sa Reggio Calabria kahapon, Martes ika-30 ng Hulyo 2019.
Ang biktima ay kinilalang si Mariella Rota, 66-anyos na may ari ng isang tabaccheria sa Reggio Calabria. Unang pahayag ng mga kapulisan, maaring nagsimula ang homicide sa tangkang pagnanakaw.
Nakaagaw pansin sa mga dumadaan sa lugar ng pinangyarihan ang malakas na sigaw na nagmula sa isang building sa Via Melacrino bandang pahapon ng nasabing araw. Ang lugar ay puno ng mga tao dahil malapit sa Piazza Nava na napapalibutan ng mga negosyo.
Masusing imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng mga awtoridad para magkahugis ang trahedyang ito. Ayon sa unang ulat ng mga imbestigador, lumalabas na “premeditated murder” ang kaso dahil ang suspek ay may dala-dalang meat cleaver o puthaw, armas na ginamit sa pagpatay sa babae at mga extrang damit na pamalit matapos maisakatuparan ang pagpatay, mga bagay na agad na narecober ng mga ahente ng RIS o “reparto investigazioni scientifiche”. Ayon sa mga awtoridad, maaring nagkasalubong umano ang suspek at ang biktima. Ang una ay tangkang papasok sa tindahan, samantalang ang biktima naman ay papunta na sana sa tabaccheria upang buksan ito. Sa pagkabigla ng suspek ay walang awa nitong inundayan ng saksak at taga ang biktima na halos humiwalay ang ulo sa katawan sa tinanggap na biyolentong taga mula sa salarin.
Kinilala ang suspek na si Billy Jay Sicat, 43-anyos at limang taon na sa italya. Isa umanong adik sa sugal ang suspek at pinagbibintangan ang biktima ng pangloloko dahil matagal nang hindi ito nananalo sa sugal, lotto at slot machine.
Naging malaking tulong sa pagkakahuli sa suspek ang mga eksenang nakuha mula sa mga cctv footages. Detalyado ang mga ito at kitang kita ang lahat ng aksyon sa pinangyarihan. Malinaw din ang tattoo na nakita sa cctv, bagay na hindi maaaring ipagkaila ng suspek dahil tugma sa kanyang tattoo sa kaliwang braso.
Hindi daw maaring pagnanakaw ang dahilan ng pagkakapatay sa biktima dahil walang nawalang mga gamit at wala ring perang nakuha sa mga bulsa ng suspek.
Ang suspek ay kasalukuyang nakakulong at hindi nagbigay ng pahayag patungkol sa trahedya. Patuoy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng mga alagad ng batas upang malaman kung ang suspek ay gumagamit ng ipinagbabawal na gamot at kung may mga iba pang taong sangkot sa madugong trahedya.
Quintin Kentz Cavite Jr.