Sa kauna-unahang pagkakataon, itinaas ng Department of Health ang “National Dengue Alert” dahil sa bilis ng pagtaas ng mga kaso nito sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Pumalo na sa 106,630 ang kasong naitatala sa Pilipinas simula ika-1 ng Enero hanggang ika-29 ng Hunyo, na mas mataas ng 85% kumpara sa bilang sa kaparehong panahon noong 2018.
Gayunman, nilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III na wala namang national epidemic ng sakit, kundi localized epidemic lamang.
Ang dengue ay isang viral disease na naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng mga babaeng lamok, partikular ng Aedes aegypti at paminsan-minsa’y Aedes albopictus. Naipapasa rin ng mga naturang lamok ang mga sakit gaya ng chikungunya, yellow fever at Zika.
Una nang sinabi ni Duque na inaasahan nilang tataas ang dengue cases ngayong taong ito matapos na maobserbahang nagkakaroon ng pagdami ng mga kaso ng sakit, tuwing ikatlo o ikaapat na taon.
Nagkaroon ng pagdami ng mga kaso ng sakit noong 2016 kaya’t inaasahan na nilang ngayong 2019 ay muli na namang darami ang mabibiktima ng dengue.
Sinabi ng kalihim na ito’y isang phenomenon, na hindi kayang ipaliwanag ng siyensiya.
Kaugnay nito, sinabi ni World Health Organization (WHO) Country Representative Dr. Gundo Weiler, hindi lamang sa Pilipinas nagkakaroon ng pagdami ng dengue cases, kundi maging sa buong mundo.
Kaya mahigpit siyang nagpapaalala sa publiko na maging maingat upang hindi dapuan ng naturang karamdaman, na nakukuha sa kagat ng lamok.