in

Alam mo ba ang patakaran sa mga spiaggia sa Italya?

Dahil galing tayong mga Pilipino kung saan matatagpuan ang mga pinaka hinahangaang beaches sa buong mundo, mahilig din tayong mag-relax, mag-enjoy at magpalipas ng ferie sa mga beaches dito sa Italya.

Ngunit alam ba natin ang mga patakaran sa mga spiaggia, partikular sa mga spiaggia libera?

Tulad ng lahat ng mga public places ay mayroong mga regulasyon na dapat igalang at sundin. At ang sinumang hindi susunod sa mga patakarang ito ay bibigyan ng karampatang parusa at multa na maaaring umabot hanggang sa halagang € 500,00.

Narito ang mga hindi dapat gawin kapag nasa spiaggia libera, saanmang bahagi ng Italya.

  • Gumamit at mag-iwan ng mga plastik na bagay (tulad ng mga lalagyan o mga utensils). Ito ay isang bagong patakaran na hangaring wakasan ang polusyon sa dagat sanhi ng mga naglulutangang mga plastik sa dagat. Maraming Comune na ang nagpapatupad nito, partikular sa Puglia at Toscana at ito ay inaasahang kakalat na sa buong bansa.
  • Camping o overnight. Ito ay isa sa pinaka paboritong gawin ng mga Pilipino at lingid sa kaalaman ng lahat, ito ay mahigpit na ipinagbabawal. Ito ay isang paglabag sa artikulo 1161 ng Codice della Navigazione.
  • Pagsisindi ng apoy o bonfire kasama ang pagba-bbq. Ito ay laganap sa maraming Pinoy lalo na’t may okasyon ang pagpunta sa dagat. Ito ay mahigpit na ipinagbabawal upang maiwasan ang sunog.
  • Iwanan ang beach umbrella o ombrellone upang ireserba ang lugar para sa susunod na araw. Ang mga spiaggia pag-aari ng estado, ito ay publiko at nangangahulugang ito ay para sa lahat. Samakatwid ay walang pinahihintulutan ang –mag-reserba o okupahin ang bahagi nito para sa susunod na araw. Ito ay isang paglabag sa artikulo 1161 ng Codice della Navigazione.
  • Paninigarilyo. Parami na ng parami ang mga stabilmenti kung saan ipinagbabawal ang paninigarilyo.
  • Pamimingwit. Ito ay ipinagbabawal sa mga oras kung kailan marami ang naliligo sa dagat. Samantala, ito ay pinahihintulutan sa umagang-umaga.
  • Bumili ng mga gadget mula sa mga nagtitinda dito, lalo na kung fake na mga produkto tulad ng bag at ibapa. Ipinagbabawal din ang pag papamasahe mula sa mga nag-aalok nito ng mga bayad.
  • Pangongolekta ng mga shell sa baybayin ay ipinagbabawal. Ang mga ito ay nabibilang sa beach ecosystem na hindi dapat tanggalin at kunin ng mga bagnanti.

Ang sinumang lalabag ay maaaring multahan hanggang € 500.00.

Gayunpaman, tungkol sa posibilidad ng pagdadala ng mga pets, pag-inom ng alkohol at paglalaro ng bola o iba pang laro, upang maiwasan ang multa ay ipinapayong basahing mabuti ang regulasyon ng napiling spiaggia.

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Dengue fever, ano ito?

One Day Bowling Tournament ng Barangay Guinhawa, tagumpay