in

KABABAIHAN, magkaisa para sa pantay na karapatan

Wala man tayo sa kalsada upang magpahayag at magmartsa,

Maubos man lahat ang bulaklak ng Mimosa,

 Nasa atin pa rin ang matibay na pagkakaisa

Ang mithiing pagkakapantay ay may pag-asa.” – Violeta Adorata

Marso 8 na naman, Araw ng Kababaihan. Ano ba ang pinakamagandang paraan para ito iselebra ng ating mga kabaro, kasama ang ating mga taga-suporta? Kailangan bang magmartsa, magpahayag sa harap ng masa, sumigaw para sa pantay na karapatan at igiit ang para sa tunay na kapakanan? Paano kung ang simpleng pamamaraang ito ay maipagkait pa dahil sa kalamidad, o sa di pagbibigay-laya ng mga kinauukulan sa kalayaang makapagpahayag o dahil na rin sa di inaaasahang pandaigdigang isyung pangkalusugan? 

Dito sa Italya, maraming taon nang ipinagdiriwang ito nang may pagpupugay sa kababaihan sa pamamagitan ng paghahandog sa kanila ng bulaklak ng mimosa. Dahil ayon sa kasaysayan, ang bulaklak ng Mimosa o Acacia Dealbata , ang ibinigay ng mga kalalakihan sa Roma noong Marso 8, 1946, sa kanilang mga asawa, ina, kapatid at anak na babae, bilang simbolo ng kanilang pag-ibig at pagpapahalaga. Ang petsang ito ay makabuluhan dahil sa pangyayaring naganap sa labas ng Italya, una noong ika-8 ng Marso, 1857 nang isagawa ang unang pag-aaklas ng mga kababaihang manggagawa sa patahian sa New York. Ang ikalawa ay ang pag-aaklas ng mga kababaihang Ruso noong Marso 8, 1917. Kaya noong taong 1945, ang Union of Italian Women ay napagbotohang gawing Marso 8 ang taunang pagdiriwang ng Araw ng Kababaihan. At mula noon , ang Mimosa ay naging simbolo na rin ng women solidarity kung kaya’t ang bawa’t isa ay nagbibigayan nito.

Sa Pilipinas man at maging sa maraming bansa, ipinagdiriwang ang araw na ito nang may kalakip na mga programa na nagbibigay ng dedikasyon at pagpupugay sa mga nagawang tagumpay ng mga napiling kababaihan. Ang lokal na tema sa ating bansa mula sa Philippine Commission on Women para sa National Women’s Month ay  “We Make Change Work for Women.” Ang GABRIELA naman, ang pambansang asosasyon ng mga kababaihan sa Pilipinas, ay nagsusulong ng ganitong tema : “Kababaihan, Magkaisa! Sahod, Trabaho, Lupa, Karapatan, Ipaglaban!” 

Kaugnay din nito ang pakikiisa ng mga Pilipina sa Italya sa taunang isinasagawang One Billion Rising event tuwing ika-14 ng Pebrero kung saan ay idinadaan sa sabayang pagsasayaw ang protesta laban sa karahasan sa mga kababaihan at tuwing ika-25 ng Nobyembre naman ang International Day for the Elimination of Violence Against Women. 

Ang lahat ng mga programa at pagkilos na ito ay upang maiangat ang kalagayan ng mga kababaihan , ibigay ang kaukulang respeto para sa kanila at ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Sa taong 2020, ang pang-internasyonal na tema ng WOMEN’S DAY ay “An equal world is an enabled world” o sa wikang Pilipino ay “ Ang pantay na mundo ay isang gumaganang mundo.” Paano nga ba makakamit ito?

Para sa FILIPINO WOMEN’S LEAGUE, isang asosasyon ng mga kababaihan sa Bologna, ang kanilang misyon ay nakatutok sa limang punto: leadership, empowerment, upliftment, unity at charity. Ang mga puntong ito ay maaaring gamiting simulain upang makamit ang isang pantay na mundo kung saan ang kababaihan ay may puwang sa larangan ng pamumuno at hanapbuhay. May kakayahang makipagsabayan at manguna rin sa iba’t ibang larangan gaya ng sining, arte, sports, pulitika, siyensya at teknolohiya, edukasyon at iba pa. May pagkukusa rin na iangat ang kalagayan ng kanyang kapwa-babae sa aspetong pang-ekonomiya, pangkalusugan, moral at ispiritwal. May panahon rin sa pagbabahagi ng kanyang kaalaman, kasanayan, ideya at mga payo . At maging paghugutan ng lakas ng mga kababaihang naaapi at nasasaktan. Ito ay magagawa nang may pagkakaisa at unawaan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng relihiyon at paniniwala, sa tradisyon at kultura, sa lahi at pinagmulan. 

Ngayon, sa mga nakaambang mga dahilan na makakapigil sa pagnanais na magpahayag sa gitna ng lansangan, sa mga entablado at liwasan, may paraan pa rin upang maiselebra ang araw na ito. Hindi ang kalamidad o ang global na isyung pangkalusugan o ang banta sa mga kumakalaban ang makakahadlang sa mga kababaihan na magmulat sa iba pang kababaihan at ipabatid sa nakararami ang kahalagahan ng papel ng isang BABAE upang mapagana ang mundo nang may pag-ibig at respeto para sa lahat. Ipagpatuloy ang pagwagayway ng bandilang Lila, ang kulay-protesta ng mga kababaihan. ni: Dittz Centeno-De Jesus

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Papal Audience at Angelus ng Santo Padre, via streaming

Lombardy region at ilang probinsya sa North Italy, lockdown na!