Ang pinagdadaanan ng lahat sa kasalukuyan ay nagdadala ng maraming pagbabago sa lahat ng sektor. Kalimitan ang mga mamamayan ay napapakamot na lamang ng ulo dahil sa pagkalito.
Muling nagbukas ang mga driving schools, araw ng Miyerkoles, ika-20 ng buwan ng Mayo. Ngunit sa pagkaktaong ito ay kinakailangang gumalaw ang buong sektor na sumusunod sa mga bagong batas na inilabas ng gobyerno upang mapangalagaan ang kalusugan ng lahat at maiwasan ang paglaganap ng coronavirus.
Kapansin-pansin ang mga panibagong hakbang at pamamaraan sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho ng mga sasakyan na umani ng iba’t-ibang reaksyon mula sa mga mamamayan, ngunit wala umanong magagawa ang sektor kundi sumunod sa mga bagong kautusan mula sa taas. May mga bagong gabay na dapat sundin upang mapanatili ang maayos na daloy ng proseso at hindi mailagay sa panganib ang buhay ng mga aplikante at ng mga tagapangasiwa.
Saklaw ng mga pagbabagong ito ang dalawang bahagi ng pagkuha ng driver’s license na may kategoryang A at B dito sa Italya: ang written exam o teoria at ang practical driving.
Una nang isinagawa ang pag disinfect ng mga lugar na paggaganapan ng mga leksyon, paglalagay ng mga plexiglass, at ang pagtalaga ng magkaibang entrance at exit doors upang maging “one way” lamang ang daloy ng mga tao at maiwasan ang pagsasalubong ng mga ito.
Limitado rin ang bilang ng mga maaring pumasok sa paggaganapan ng test, at ang risulta nito ay ipapadala lamang sa pamamagitan ng ONLINE communication direkta sa mga autoscuola o kaya naman ay ipapadala sa email address ng mageexam na pribatista.
Kung dati ay isinasagawa ang written exam sa motorizzazione civile, ngayon ay pinahihintulutang isagawa ito sa mga pribadong lugar gaya ng autoscuola o sa mga opisina ng mga propesyonal na operators. May mga nakahandang questionnaires na gagamitin na system-generated ng motorizzazione civile.
Maging sa practical exam ay may pagbabago ring magaganap. Sa katunayan ang aktwal na driving ay isasagawa sa isang angkop na lugar na walang mga sasakyan. Dati ito ay mismong sa kalsada isinasagawa, ngunit ito ay nabago sa kadahilanang dapat iwasan ang mga lugar na may maraming nagsasalu-salubong na mga tao. Ang aplikante ay mag-isa lamang sa loob ng kotse at ang examiner ay nasa labas lamang na nakamasid at gumagawa ng evaluation. Ang mga instructions ay ibibigay na sa kandidato bago pa man ito sumakay ng kotse para sa actual driving exam.
Hindi man kailangang banggitin ay paalala pa rin ang security distance at obligadong pagsusuot ng face masksat gwantes. Estimadong aabot sa 25 minutos ang haba ng pagsusuri. Sa panahong itinakda ay kasama ang personal na paghahanda, pagdisinfect ng sasakyan at pagsuot ng mga protective equipments, samantalang ang halos 15 minutos ay nakalaan sa actual driving. (Quintin Kentz Cavite Jr.)